160 FRONTLINERS BINIGYAN NG LIBRENG HOTEL ACCOMMODATION

hotel

BILANG pagkilala sa kanilang kabayanihan at matinding sakri­pisyo gayundin upang mapalakas ang economic activities sa kanilang lugar, 60 pang emergency health workers o kabuuang 160 medical frontliners mula sa Eastern Visayas Regional Medical Center (EVRMC) ang pinagkalooban ng libreng hotel accommodations.

Ang ‘three months free of charge’ na pamamalagi sa Madison Park Hotel at Leyte Park Hotel & Resort, kapwa nasa Tacloban City, ng mga naturang health care worker ay bahagi ng joint project nina Pangulong Rodrigo Roa Duterte, House Majority Leader Martin Romualdez (Leyte 1st. District) at Tingog party-list Rep. Yedda Marie Romualdez.

Nabatid na Hulyo 17 nang unang naglaan ng 50 rooms sa Leyte Park Hotel & Resort para sa 100 emergency frontliners ng EVRMC Magsaysay at Cabalawan branches, habang nito namang nakaraang Hulyo 25 ay 30 kuwarto sa Madison Park Hotel ang ipinagamit sa panibagong 60 medical staff ng nasabing pagamutan.

Pagbibigay-diin ng Romualdez couple, patuloy at higit pa nilang pag-iibayuhin ang pagkikipagtulungan sa Duterte administration sa layuning mabuksan at muling pasiglahin ang ekonomiya sa mga lugar na kanilang nasasakupan kasabay ang ibayong pa­ngangalaga sa mga medical frontliner. ROMER R. BUTUYAN 

Comments are closed.