NASA 150 hanggang 160 Pinoy ang naghihintay pa rin ng repatriation mula sa Sudan, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sinabi ni DFA Assistant Secretary Paul Cortes na isang hamon sa kanila ang repatriation dahil sa kawalan ng flights sa panahon ng Hajj pilgrimage sa Saudi Arabia.
“Sa ngayon po meron po tayong mga 150 pa natitira. Of this 150 to 160, may 30 na nag-aabang po sa Port Sudan, ‘yun po ang port kung saan sasakay sila ng eroplano papunta ng Jeddah o kaya’y papunta ng Doha para makapunta sila dito sa Pilipinas,” sabi ni Cortes.
Aniya, nahihirapan silang kumuha ng flights dahil sa Hajj pilgrimage.
Ayon kay Cortes, ang mga naghihintay ng repatriation ay kinabibilangan ng 9 minors.
Kailangan din aniyang ayusin ng mga awtoridad ang documentation ng naturang mga Pinoy dahil hindi nadala ng ilan ang kanilang passports nang lumikas sila.
Sagot naman, aniya, ng Philippine government ang lahat ng gastusin.