INIHAYAG ng pamunuan ng Philippine National Police na binigyan nila ng election duties ang may 16,800 na pulis na kasalukuyang sumasailalim sa pag- aaral at mga pagsasanay sa buong bansa para makatulong sa pagtiyak na magkakaroon ng SAFE (Secure, Accurate, Free & Fair Elections).
Kaugnay sa security preparation, napagpasyahan ng PNP na bigyan ng “election duty” ang labing anim na libo at walong daang pulis na kasalukuyang sumasailalim sa “mandatory career courses” at “field training”.
Pinangunahan ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos sa Camp Crame ang paglipat ng mga nasabing pulis mula sa pamamahala ng PNP Directorate for Human Resource and Doctrine Development (DHRDD) patungo sa PNP Directorate for Personnel and Records Management (DPRM).
Sa ginawang pagpupulong nabatid na ang PNP National Headquarters sa Camp Crame ay may 1,007 pulis, kabilang ang 611 Police Commissioned Officers (PCO) ang sumasailalim sa pagsasanay ng Officers Senior Executive Course (OSEC), Officer’s Advance Course (OAC), Public Safety Basic Officer’s Course (PSOBC), at 396 Police Non-Commissioned Officers (PNCO).
Habang nasa 15,813 PCOs at PNCOs na nasa 17 Police Regional Offices naman ang inilipat sa pamamahala ng mga Regional Task Groups ng PNP Security Task Force NLE 2022.
Mahigpit naman ang paalala ng PNP chief sa mga pulis na magbigay ng propesyonal, mabilis, at magalang na serbisyo sa mga mamamayan sa pagganap nang kanilang election duty.
Samantala sa nasabing joint conference sa Camp Crame, inihayag ni Comelec Spokesperson James Jimenez na bineberipika pa rin nila sa ngayon ang listahan na isinumite sa kanila ng PNP.
Paliwanag ni Jimenez, hindi maaaring pagbasehan lang ang kasaysayan ng isang lugar para matukoy ito na areas of concern.
Ani Jimenez, kailangan makita muna kung bumuti na ang sitwasyon ng mga magkakalaban dito at kung may banta ng mga armadong grupo.
Sa inisyal na listahan ng PNP na isinumite sa Commission on Election may 105 bayan at 15 lungsod sa buong bansa ang tinukoy ng pamahalaan bilang “red” spots para sa May 9 elections.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa nasabing joint conference ng DILG, COMELEC at PNP, ang isinumiteng listahan ang areas na tutukan ng pambansang pulis para maiwasan ang gulo at masigurong maayos ang magiging halalan.
Samantala, sinabi ni PNP Deputy Chief for Operations Head Police Lt. Gen. Ferdinand Divina na nasa kanila na ang listahan ng mga lugar at nakikipag-ugnayan na sila sa Commision on Elections (COMELEC).
Nabatid na hindi pa isinapubliko ng COMELEC ang listahan habang patuloy na sumasailalim sa validation ang mga datos. VERLIN RUIZ