INIHAYAG ng Philippine National Police (PNP) na puspusan na ang ginagawang paghahanda para sa muling pagbabalik ng tradisyonal na Traslacion ng Poong Hesus Nazareno sa Enero 9.
Sa pahayag ni PNP Public Information Office (PIO) Chief Col. Jean Fajardo, mahigit 16,000 pulis ang kanilang ipakakalat sa Lungsod ng Maynila para sa okasyon mula Disyembre 30.
Nagtalaga rin ang PNP ng mga tukoy nang kontroladong lugar buhat sa Quirino Grandstand, rutang daraanan ng Traslacion na kaparehas noong 2020 hanggang sa harap ng Basilica Menor ng Quiapo.
Kaugnay nito, sinabi ni Fajardo na ilan sa mga kagamitan ang ipagbabawal sa Traslacion gaya ng Bag, Water Canister, Payong at Bull cap.
Aniya, kung hindi maiiwasang magdala ng bag, dapat transparent ito at dapat ding lumabas sa controlled areas ng mga deboto kung kakain o iinom ng tubig.
Batay sa datos ng PNP, nasa humigit kumulang dalawang milyong deboto ang dumagsa sa Traslacion ng Poong Hesus Nazareno bago magpandemya noong 2020 kaya’t inaasahan nilang dodoble pa ang bilang sa pagbabalik nito sa 2024.
EVELYN GARCIA