INATASAN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang lahat ng lokal na pamahalaan na pabilisin ang anti-tobacco at anti-vaping campaign upang iligtas ang Pinoy sa panganib na dulot ng paninigarilyo.
“Here in the Philippines, over 17.3 million people are smokers, [which makes] us one of 15 countries in the world with a heavy-burden of tobacco-related ill health. The number includes 12.5 percent of the teen population ages 13 to 15 years old (roughly 10 percent of the 109.6 million Filipinos based on the 2020 census),” pahayag ni Abalos sa ikalawang araw ng 8th Asia Pacific Smoke-Free conference na ginanap sa bansa.
Ayon kay Abalos, dahil sa katanyagan ng mga e-cigarette, 14.1 porsiyento ng 13 hanggang 15 taong gulang na kabataan sa bansa ay aktibong gumagamit ng vape, batay sa Global Youth Tobacco Survey.
Aniya, ito ay isang “nakakaalarmang trend” para sa isang bansa na nagsimulang magpakilala nationwide na pigilan ang paggamit ng tabako noong 1990s.
Ang nicotine-control law na naipasa ngayong taon ay ang Republic Act No. 11900, na kumokontrol sa pag-aangkat, paggawa at pagbebenta ng mga e-cigarette at iba pang vaping device, sa kabila ng public lobby mula sa mga health official at anti-tobacco advocates na ipagbawal ang vaping.
Binanggit ni Abalos ang kamakailang ulat ng World Bank, kung saan aniya ay nagkaroon ng bahagyang pagbaba sa rate ng paninigarilyo sa mga 15-taong-gulang na Pilipino, mula 25.4 porsiyento noong 2015 hanggang 23.4 porsiyento noong 2018 at 2019, at bumaba pa sa 22.9 porsiyento noong 2020 nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.
Inamin naman ng DILG chief na nagsimula siyang manigarilyo sa edad na 16 at tumigil na sa kanyang adiksyon noong siya ay 40 taong gulang na. EVELYN GARCIA