17 BAGONG NG COVID-19 NAITALA SA PASAY

NAKAPAGTALA ang lokal na pamahalaan ng Pasay ng 17 bagong kaso sa kasalukuyang 25 aktibong kaso mula sa kabuuang 29,754 kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan 29,139 sa mga pasyente nito ay gumaling na habang 591 naman ang mga namatay sa virus.

Ito ang iniulat ng Pasay City Health Office (CHO) alinsunod sa huling datos na naitala nitong Sabado.

Dahil dito, hiniling ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang kooperasyon at pakikiisa ng mga residente upang mapigilan hindi lang ang pagkalat ng virus kundi pati na rin ng iba pang sakit sa kani-kanilang mga komunidad.

Kaya’t paalala sa mga residente ng Pasay na sumunod sa patuloy na pagpapatupad ng basic health protocols sa pamamagitan ng E.M.I. Habit (E- Ensure to always wash your hands; M- Mask is a must; at I- Implement physical distancing) gayundin ang paniniguro ng may maayos na bentilasyon saan man naroroon.

Hinikayat din ang mga residente na i-report sa lokal na pamahalaan kung may kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar sa pamamagitan ng pagtawag sa mga numerong 7758-5746, (0956) 778-6524 at (0917) 778-6524.

Samantala, nitong Sabado ng umaga ay nagsagawa ng Kasalang Bayan ang nasabing lungsod na kung saan 143 pares ng magsing-irog ang pinag-isang dibdib na ginanap sa Cuneta Astrodome.

Pinangunahan ng alkalde ang pag-iisang dibdib ng mga magsing-irog na siya ring naging saksi at tumayong ikalawang magulang ng mga bagong kasal.

Sa naturang okasyon ay dinaluhan din ito ni Cong. Tony Calixto, Vice Mayor Ding del Rosario, Kon. Mark Calixto, Kon. Joey Calixto-Isidro, Kon. Allo Arceo, Kon. Grace Santos at Pangulo ng mga Liga ng mga Barangay Kon. Julie Gonzales pati na rin ni Josephine Rabanes na kumatawan kay Kon. Tonya Cuneta. MARIVIC FERNANDEZ