17 CARNAPPERS NALAMBAT NG PNP-HPG

IPINAGMAMALAKI ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (HPG) na nasa 17 carnappers ang kanilang nadakip sa loob isang linggong street operation.

Ayon kay PNP-HPG Director BGen. Clifford Gairanod, base sa kanilang datos nitong Disyembre 2 hanggang Disyembre 8, may 17 carnappers ang naaresto na sinasabing sangkot sa carnapping.

Bunsod ng pinaigting na kampanya ngayong magpapasko, nasa 18,404 na mga motorista na ang nabigyan nila ng ticket dahil sa samu’t saring mga paglabag sa batas trapiko.

Kasama sa mga nahuli o nabigyan ng citation tickets ang mga motorist o may ari ng sasakyan na may illegal horn at siren, pagkakaroon ng blinker, modified muffler at mga sasakyan na mayroong logo ng PNP.

Samantala, inihayag din ni PBGen. Gairanod na umabot naman sa 503 na mga sasakyan ang na-impound nila sa loob lang ng isang linggong operasyon.

Kabilang dito ang 422 motorsiklo at 81 naman ang mga kotse. VERLIN RUIZ