17 DRUG-CLEARED MUNICIPALITIES SA ZAMPEN KINILALA NG DILG

BINIGYANG pagkilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 17 drug-cleared municipalities mula sa Zamboanga Peninsula bunsod ng kanilang matagumpay na kampanya kontra ilegal na droga.

Ang pagkilala ay ginawa mismo ni DILG Secretary Benjamin ‘Benhur Abalos, Jr., kasunod ng regional launch at roll- out ng programang Buhay ay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) sa rehiyon.

Ikinatuwa ni Abalos na lahat o 386 na barangay na sakop ng 17 na bayan ay deklarado nang drug-cleared.

Kabilang sa mga nasabing bayan ang Bayog, Domingag, Josefina, Lakewood, Mahayag, Pitogo, Somingot, Tabina, Tigbao, Vicenzo Sagun at Ramon Magsaysay sa Zambo Del Sur; Siay sa Zambo Sibugay; Kalawit, Labson, La Libertad, Siayan at Sindangan sa Zambo Del Norte.

Samantala, binigyan din ni Abalos ng special mention ang munisipyo ng Jose Dalman, Zamboanga Del Norte bilang kauna-unahang munisipyo na naging drug-cleared sa buong rehiyon.

Hinimok naman nito ang natitirang 58 pang munisipalidad sa rehiyon na maging mas masigasig sa kanilang anti-illegal drugs campaign sa mga komunidad upang sila rin ay maideklarang drug-free.
EVELYN GARCIA