17 GRUPO NG MGA MAGSASAKA AT MANGINGISDA TUTOL SA TARIFF CUT SA IMPORTED AGRICULTURAL PRODUCTS

Labimpitong grupo ng mga magsasaka at mangingisda ang nagsama sama upang tutulan ang napipintong pagbabawas ng taripa sa imported na bigas at iba pang agricultural products.

Mariing nanawagan ang mga ito para sa pagbibitiw sa puwesto ni National Econmic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio M. Balisacan dahil sa maling payo aniya nito sa Pangulo na mas pinapaboran ang importation na may masamang epekto sa sektor ng agrikultura sa halip na patatagin ang lokal na produksyon ng mga ito.

“Nanawagan kami kay Secretary Balisacan na mag-resign na kayo,”ayon kay Atty. Elias Jose Inciong, Chairman ng United Broiler Raisers Association (UBRA) sa isang press conference sa Quezon City ngayong Linggo.

“Kaya mahal ang pagkain ngayon, kaya lagi tayong may crisis ay gawa ng mga ekonomista na katulad ni Balisacan na puros imported, 30 years na ‘yan….If the President keeps on listening to them, he will not be the first President to fall victim to these economists,” dagdag pa ni Inciong.

Paliwanag ni Inciong,ang nasabing pagbaba ng taripa mula sa 35 hanggang 15 porsiyento sa bigas at ibang produktong pang agrikultura ay maaaring bunga ng political dimension at pressure kay Presidente Ferdinand

“Bongbong” Marcos Jr. ng kanyang mga kaalyado at kapartido.

“May pressure from his party-mates, from his allies, kasi bagamat popular ang stance ng President tungkol sa China, itong nangyayari sa presyo ng pagkain nakakaapekto sa kanilang surveys,“ sabi ni Inciong.

Posible aniyang natukso si Marcos sa payo ni Balisacan na aprubahan ng NEDA Board ang tariff cut para sa approval rating bago ang State of the Nation Address lalo pa aniya at nangako ito noon na ibababa sa P20 ang kada kilo ng bigas hanggang itinaas sa P27 kada kilo.Ito ay sa gitna ng pagpapaliwanag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang pagtaas ng presyo ng bigas ay isa sa nagiging dahilan ng pagtaas ng inflation sa bansa.

“Si Secretary Balisacan po ay galing sa Department of Agriculture undersecretary for planning. At matagal na siya diyan at sa School of Economics, doon din po ako na tapos. E, siguro po hindi siya nakatutungtong sa lupa, sa katotohanan .Pinapakiusap namin kay Secretary Balisacan, magpahinga na muna siya at baka napapagod na siya, ayon naman kay Danny Fausto, presidente ng Philippine Chamber of Agriculture and Food (PCAFI).

“Susulat kami nang formal kay Presidente, I have confidence that if we have a face-to-face meeting with him, I think we have to tell him that we want Secretary Balisacan to step down. Maybe he can go back to the Philippine Competition Commission na wala na naman siya nagawa for the rice sector. Kasi po, sobrang-sobrang importasyon noon under RTL. Pina-investigate namin niya kasi sa PCC under the head at that time was Balisacan,” ayon naman kay Leonardo Montemayor, dating Department of Agriculture (DA) chief at chairperson ng Federation of Free Farmers.

“Maghunos dili kayo Mr. President wag kayo pipirma ng E.O.,(para sa tariff cut) ”, ang sabi naman ni Rosendo So, President ng Samahang Industriya ng Agrikultura. Ito ay matapos muling bigyang diin nito na posibleng bumuhos ang imported na bigas sa merkado dahil sa pagbaba ng taripa.

Ayon kay So, kahit lehitimong importer ngayon ay hindi na rin basta basta nabibilhan ng mga inangkat na produkto at nahihirapang magpaikot ng inutang sa mga bangko dahil sa mga smuggler at ang isa rito ay tinawag lamang niya sa isang nagngangalang “Jojo”. Subalit tumanggi na silang magbigay pa ng ibang detalye sa ibang posible pang smugglers na nagpupuslit aniya ng mga produkto ng agrikultura sa Batangas.

Nag aalala rin ang mga naturang lider ng mga magsasaka at mga mangingisda na sobra sobra na ang imported na bigas at posibleng hindi na mabilhan ang mga lokal na magsasaka sa anihan sa Oktubre ngayong taon.

Humihiling sila ng meeting kay President Marcos dahil sa naging desisyon nito sa tariff cut.

Dagdag pa ni So, paano aniya magiging self sufficient ang bansa sa bigas kung puro importasyon ang nasa utak ng mga ekonomista na nagbibigay ng payo sa pangulo. ”Sa halip na papasok ang dolyar sa atin, puro palabas.Kaya pag alam ng ibang bansa na kailangang kailangan ng Pilipinas ang bigas dahil number 1 importer na tayo ng bigas tinataasan na rin nila ang presyo,”sabi ni So.

Dagdag ni Inciong sa halip na mag- export ng mga produktong agrikultura ang bansa pinabayaan ang sektor na ito, at ang ine-export ay mga warm bodies tulad ng Overseas Filipino Workers (OFW) at umaasa sa papasok na pera mula sa ibang bansa sa mga ito at sa mga industriya tulad ng BPOs.

Pagdidiin ni So asahan daw ng pamahalaan na darating ang panahon ay mawawalan na ng gana magtanim ang mga magsasaka dahil sa mga maling polisiya na nagiging masama ang epekto sa mga magsasaka.

Una nang inanunsiyo ni Balisacan na ang naaprubahan ng NEDA Board ay ang Comprehensive Tariff Program (CTP) na posibleng maging epektibo mula ngayong taong 2024 hanggang 2028, na magbabawas ng taripa sa mga agricultural products at iba pang essential items sa energy at sektor ng manufacturing.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia