17 KABABAIHAN NASAGIP SA SEX EXPLOITATION

SEX EXPLOITATION

NASAKOTE ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang indibiduwal habang nasagip naman ang 17 biktima kabilang ang 4 na menor de edad na ibinubugaw sa isang Spa sa Makati City.

Hawak ngayon ng NBI- Anti Human Trafficking Division  (NBI-AHTRAD) ang mga suspek na sina Edril Delos Santos ng Caloocan City at Jenny Lebradilla Coral ng Quezon City dahil sa kasong sexual exploitation.

Ang dalawa ay inabutan ng mga ahente ng NBI-AHTRAD sa Quija Spa a.k.a Native Palm Spa na matatagpuan sa P. Burgos St., T Tower Condominium, Makati City.

Ayon sa NBI, isinailalim sa surveillance operation ang naturang Spa dahil sa reklamong ginagawang sex exploitation ng lugar na ginagawang front ang pag-aalok ng ‘massage therapy’  sa mga kostumer .

Sa surveillance, napag-alaman na ang bayad sa massage therapy ay P1,000 ngunit mayroon din umanong iniaalok na extra service na aabot sa halagang P3,000.

Nang magpositibo na may nagaganap na ilegal na aktibidad, agad ikinasa ang entrapment operation sa ikatlong palapag at ikaanim na palapag  ng nasabing condominium kung saan nasagip ang 17 biktima.

Isa sa mga biktima ang umaming menor de edad habang nadiskubreng tatlo pa ang menor nang sumailalim sa dental examination.

Narekober din ng NBI ang mga kahon-kahong condom sa reception area ng Spa.

Isinalang na sa Inquest proceeding sa Department of Justice (DOJ)  ang mga suspek matapos sampahan ng kasong paglabag sa RA 9208 o Anti  Trafficking in Persons  Act of 2003,  at RA 7610 o Special Protection Against  Child  Abuse, Exploitation and Discrimination. PAUL ROLDAN