17 NALAMBAT SA ILEGAL NA PAGBEBENTA NG PAPUTOK

SA kabila ng kaliwa’t kanang panawagan ng Philippine National Police (PNP) maging ng Department of Health (DOH) na huwag tangkilikin ang illegal firecrackers at mag-ingat gayundin ang paalala na bawal ang pagbebenta ng illegal firecrackers, patuloy na tumataas ang bilang ng lumabag.

Sa ulat na nakarating sa PILIPINO Mirror, patuloy na hinihimok ng PNP ang publiko na gumamit na lamang ng mga alternatibong pampaingay sa pagsalubong sa taong 2023.

Sa panayam kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, pinayuhan nito ang mga sasalubong sa Bagong Taon na umiwas na lamang sa paggamit ng mga paputok sa paparating na bagong taon.

Subalit, aniya kung hindi naman maiiwasan ay gumamit lamang ng mga pinapayagang uri ng paputok at gawin lamang ito sa mga itinalagang lugar para sa mga firework displays.

Tiniyak naman ni Fajardo na sapat ang bilang ng mga pulis para magbantay lalo na sa bisperas ng bagong taon.

Hanggang kahapon,17 katao na ang naaresto dahil sa illegal selling at possession ng mga ipinagbabawal na paputok habang mahigit 5,000 naman ang kanilang nakumpiskang illegal firecrackers. EUNICE CELARIO