LABIMPITO sa daan-daang tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang nakarekober, ayon sa ulat ng Department of Health (DOH) Linggo ng hapon.
Gayunman, karagdagang 73 bagong kaso pa ng COVID-19 ang naitala ng DOH sa bansa sa nakalipas lamang na magdamag.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, dahil sa mga bagong kaso ay umakyat na sa 380 ang confirmed COVID-19 cases sa bansa hanggang kahapon mula sa dating 307 kaso na naitala nila hanggang 4:00 ng hapon ng Sabado.
Ang mga pasyente aniya ay binigyan ng patient ID number na PH308-PH380.
Samantala, kinumpirma rin naman ni Vergeire na nadagdagan rin ang bilang ng mga namatay dahil sa sakit sa nakalipas na magdamag.
Iniulat niya na mula sa 19 lamang nitong Sabado ng hapon ay nating 25 na nitong Linggo ng umaga.
Ang magandang balita naman aniya ay nadagdagan ang bilang ng mga nakarekober o gumaling na mula sa karamdaman na naging 17 na, mula sa dating 13 pasyente.
May apat na senior citizen na rin aniya ang nakabilang sa mga nakarekober sa karamdaman, na isang magandang balita para sa lahat.
Paglilinaw naman ni Vergeire, hindi biglaan ang pagtaas ng mga kaso ng sakit, kundi mas bumibilis na lamang aniya ang paglalabas ng mga resulta ng mga pagsusuri sa ngayon.
Nakakahabol na rin aniya kasi sila sa backlog nitong mga nakalipas na araw dahil na rin sa pag-stabilize ng kanilang kapasidad at pagdami na ng mga laboratoryong nagsasagawa ng mga pagsusuri. ANA ROSARIO HERNANDEZ