17 PNP- CIDG R4A KINASUHAN NA NG NBI

BATANGAS-SINAMPAHAN na ng National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong murder ang 17 opisyal at personnel ng PNP- Criminal Investigation and Detection Group (CIDG- Region IVA) kaugnay sa pagsisilbi ng search warrant kung saan napatay ang mag-asawang Ariel Evangelista at Ana Mariz Lemita-Evangelista sa bayan ng Nasugbo sa lalawigang ito noong Marso 7, 2021.

Sa ipinalabas na Administrative Order No. 35 ng Department of Justice (DOJ) bilang Chairman ng Inter-Agency Committee katuwang ang Special Investigation Team ng NBI, sisimulan na ang preliminary investigation sa nasabing murder case laban sa 17 PNP-CIDG bilang consideration sa pamilya ng mga biktima at ang constitutional rights ng mga akusado.

May ilang buwan ding nagsagawa ng imbestigasyon at case build-up ang DOJ katuwang ang NBI upang pagbatayan sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga sangkot sa sinasabing pagpatay sa mag-asawang Evangelista.

Bukod sa pagpatay sa mag-asawa, may iba pang katulad na kasong pagpatay kaugnay sa pagsisilbi ng search warrant laban sa coordinator ng Bayan-Cavite Chapter na si Emmanuel “Manny” Asuncion sa kanyang opisina sa Dasmarinas City, Cavite noong Marso 7, 2021.

Umuusad na ang proseso ng preliminary Investigation ng nasabing kaso at naipasa na Office of the Prosecutor General ng DOJ main Office.

Samantala, umuusad na rin ang imbestigasyon ng DOJ, NBI, at ng AO 35 SIT kaugnay din sa pagpatay kina Melvin Dagsinao at Mark “Makmak/Calec” Bacasno, kapwa organizer at miyembro ng SIKKAD-K3 urban poor advocacy group sa bayan ng Rodriguez, Rizal.

Ang mga kasong nabanggit ay representasyon na mahalaga ang ginagampanang gawain ng DOJ, NBI, at STI AO 35 kung saan ipinapakita lamang ang commitment ng pamahalaan na mapapanagot ang mga tiwaling law enforcement officer at personnel sa anumang excessive actions sa operas­yon. MHAR BASCO