NUEVA VIZCAYA – SUGATAN ang 17 pasahero matapos na banggain ng EMC Bus ang isang pampasaherong jeep habang ito ay nakahinto at nagsasakay ng pasahero sa gilid ng Daang Maharlika sa Barangay Balite, Diadi.
Sa imbestigasyon ng mga tauhan ni P/Capt. Felix Mendoza, deputy chief of police ng Diadi Police Station, lumalabas sa imbestigasyon na nilampasan ng EMC Bus na minamaneho ni Jefferson Perez residente ng Mabini, Santiago City ang sinusundang truck sa pakurbadang daan ng hindi mapansin ang pampasaherong jeep na kasalukuyang nagsasakay ng pasahero.
Sa pahayag ni Jimmy Arevalo residente ng Diadi, Nueva Vizcaya, driver ng pampasaherong jeep, patungo umano sila sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya, na mahigit sa 20 ang kanyang sakay ng salpukin sila ng nasabing bus, na ang karamihan sa mga nasugatan ang mga bata.
Matapos mabunggo ng bus ay bumangga ang jeep sa waiting shed sanhi para mayupi ang harapan at likurang bahagi ng jeep.
At sumabog pa umano ang tangke ng krudo ng nabanggang pampasaherong jeep at lahat ng lulan nito ay naligo ng sumabog na krudo.
Labis namang nagpasalamat ang mga kamag-anak ng mga biktima at hindi ito nagliyab, mabilis namang isinugod sa pagamutan ang mga sugatan at kasalukuyan ng nilalapatan ng lunas ang mga ito. IRENE GONZALES
Comments are closed.