KINASTIGO ni Senadora Imee Marcos ang Civil Service Commission (CSC) sa pagiging dahilan pa umano ng kawalan ng trabaho sa gitna ng COVID-19 pandemic dahil sa pagkabigong sertipikahan ang mga aplikanteng kuwalipikado o eligible sa libo-libong trabaho sa gobyerno na napabayaang bakante sa loob ng maraming taon.
Sinabi ni Marcos, bilang taga-depensa sa 2021 budget ng CSC, na mahigit sa 269,000 na permanteng posisyon sa gobyerno ang bakante hanggang 2019 at halos may 178,000 pa rin ang bakante hanggang nitong Agosto.
“Kung ang puwesto sa gobyerno ay napabayaang bakante, ang hindi nagamit na badyet sa pagkuha o pagha-hire para sa nasa-bing mga posisyon ay idinideklarang taunang ipon o yearend savings. Ang nasabing mga savings ang ginagamit na pang-bonus na pinaghahati-hatian ng mga opisyal ng ahensiya,” diin ni Marcos.
Ayon kay Marcos, kabilang dito ang P7.6 billion mula sa miscellaneous personal benefits fund (MPBF) sa 2020 budget na nananatiling hindi pa rin nagagamit para kumuha ng bagong tauhan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Ang away sa loob ng mga taga-gobyerno at kawalang aksyon ng CSC ang lalo pang nagpalala at nagpaantala sa pagkuha ng mga tao para sa mga bakanteng puwesto sa gobyerno, dagdag pa ni Marcos.
“Mahihirapan ang CSC na idepensa ang panukalang badyet para sa susunod na taon kung walang inisyatiba para magkaroon ng maayos na takbo sa tanggapan,” babala ni Marcos.
Inirekomenda ni Marcos na pabilisin ng CSC ang pagpapatupad ng patakaran para maging eligible sa madaling panahon ang mga contractual employee na matagal na sa kanilang trabaho sa gobyerno kung saan hindi sila nakatatanggap ng commission-certified salaries at mga benepisyo.
“ Dapat nang tumigil ang gobyerno sa pagiging pinakamalaking tagataguyod ng endo o end-of-contracct employment. Itigil na natin ang pang-aabuso at maling pagtrato sa mga contractual employees ng gobyerno na kinukuha lang ang suweldo sa mga miscel-laneous at iba pang operating expenses,” ayon pa kay Marcos.
Dagdag pa ni Marcos, ang mga ‘di nagagalaw na pondo para sa mga puwesto sa gobyerno na patuloy na bakante ay dapat nang tanggalin sa panukalang badyet sa mga ahensiya ng pamahalaan at sa halip ay gamitin na lamang ito para sa pondo ng gobyerno sa mga pandemic response. VICKY CERVALES
Comments are closed.