17K APPLICANTS DAGSA SA JOBS JOBS JOBS CARAVAN

Jobs Jobs Jobs Caravan

BAGAMAN maraming lubog sa baha sa Metro Manila at sa karatig probinsya bunsod ng pag-ulan dulot ng Habagat, dumagsa pa rin ang mga job seeker na karamihan ay overseas Filipino workers (OFWs) sa itinaguyod ng Jobs Jobs Jobs Caravan sa ilalim ng Build Build Build program ng pamahalaan sa SMX Covention Center kahapon.

Sa ulat, umabot sa 17,000 na aplikante ang nakibahagi habang isang Alex Mana­laysay, dating OFW, ang nakatanggap on the spot bilang mason.

Apatnapung kompanya na contractor ng BBB program ng pamahalaan din ang nag-alok ng trabaho kung saan karamihang hanap nila ay engineers at skilled worker na nasa linya ng construction.

Ang nasabing job program ay team effort ng pamahalaan kung saan ang mga pangunahing opisyal na dumalo ay sina Finance Sec. Carlos  Dominguez III, Transportation Sec. Arthur Tugade, Labor Sec. Bebot Bello, DPWH Sec. Mark Villar, Budget Sec. Ben ­Diokno, Trade and Industry Sec. Mon Lopez at Bases Conversion and Development Authority President CEO Vivencio Dizon.

Mahigit 10,000 construction industry jobs sa ilalim ng  BBB infrastructure ­program ng gobyerno ang handang tanggapin ang mga aplikante.

Ang mga trabaho ay para sa government infrastructure projects sa Metro Manila, Central Luzon, at sa CALABARZON Region.  PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.