MALUGOD na tinanggap nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos ang mahigit 1,700 bata mula sa mga piling shelter at orphan care centers sa bakuran ng Malacañang nitong Linggo habang pinangunahan nila ang “Balik Sigla, Bigay Saya” na araw ng pagbibigay ng regalo, na sabay-sabay na ginanap sa 300 satellite centers sa mahigit 17,000 bata sa buong bansa.
“Welcome sa Malacañan Palace! Maligayang pagdating sa aming pagdiriwang ng Pasko!
Maligayang Pasko, mga anak,” sinabi ni Pangulong Marcos sa mga bata at sa kanilang mga tagapag-alaga ilang sandali bago ipamahagi ang mga bag ng mga regalo sa Pasko kasama ang Unang Ginang.
Ang “Balik Sigla, Bigay Saya” gift-giving activity – na ginanap sa mahigit 250 na lokasyon sa buong bansa ay naging posible sa pamamagitan ng partnership ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng mga pribadong grupo na kinabibilangan ng Jollibee at San Miguel Corporation.
Mayroong 1,120 mga bata sa National Capital Region (NCR) na nakatanggap ng kanilang maagang pamasko; 449 sa Cebu; 600 sa Davao; at, higit sa 14,867 mga bata sa iba pang mga satellite center sa buong bansa.
Sa kanyang talumpati, hindi naiwasang maalala ni Pangulong Marcos ang kanyang pinakamasayang alaala sa Pasko noong kanyang kabataan.
“Alam ninyo, noong kasing tanda ko lang kayo, maliit din ako noon, ‘yung tatay ko siya ang presidente rito. Kaya bawat Pasko ganito ang aming ginagawa dito,” sabi ng Pangulo sa mga bata habang binibigyang-diin niya na ang aktibidad ng pagbibigay ng regalo ay sabay-sabay na isinasagawa sa pamamagitan ng paggamit ng bagong teknolohiya.
“Ngayon lamang ay siyempre high-tech na tayo, hindi lang dito sa Palasyo nagkakaroon ng Maligayang Pasko at Gift-Giving lahat ng ating gagawin ngayon, kundi sa ibang lugar sa Pilipinas para naman lahat ng ating mga kabataan ay makaramdam ng Pasko,” dagdag ng Pangulo.
“At alam naman natin – we all know that Christmas is really about the children. At lagi tayong Merry Christmas kapag maganda ang Pasko ng mga bata. Na makita natin ang inyong mga ngiti, na kayo naman ay ‘pag sinabing Merry Christmas ay may kabuluhan.”
Bago matapos ang kanyang talumpati, pinasalamatan ng Pangulo ang mga tagapag-alaga at mga magulang ng mga bata at binigyang-diin niya na sila ang pinakamamahal na sektor dahil sila ang kinabukasan ng bansa.