MAAARING umabot ng 8,000 kada araw ang mga bagong COVID-19 cases sa bansa hanggang sa katapusan ng Marso, at 18,000 hanggang 20,000 naman sa kalagitnaan ng Abril, kung ang kasalukuyang ‘reproduction rate’ ay hindi magbabago, batay sa tantiya ng OCTA Research Group nitong linggo.
Ayon kay OCTA Research fellow Guido David, sa Metro Manila, ay makapagtatala ng 5,000 hanggang 6,000 sa kada araw hanggang sa katapusan ng Marso at 14,000 sa kalagitnaan ng Abril.
Ang bagong ‘projection’ ay base sa 1.9 reproduction rate, o ang bilang ng mga tao na nahahawaan ng virus.
“Hindi tayo nananakot. Sinasabi lang natin, ‘yan ang science. Wala namang fear-mongering sa science. ‘Yung projections namin, nagkatotoo na. In fact, mas mabilis na siya compared sa original naming projection. Kaya, nag-readjust ng projection,” pahayag ni David.
Binanggit din ng grupo ang 12 lungsod sa National Capital Region (NCR) na nakapagtala ng malaking kaso ng impeksiyon kada araw at ito ay pinangungunahan ng Quezon City na nakapagtala ng 274 COVID-19 cases bawat araw nitong nakaraang linggo lamang.
Sinundan naman ng QC, ng Manila – 223, Pasay – 193, Makati – 132, Paranaque – 90, Taguig – 87, Malabon – 68, Pasig – 62, Valenzuela – 59, Caloocan – 56, Marikina – 55, at Navotas – 55 na naitala kada araw mula Marso 5 hanggang 11.
Bagamat pinaboran naman ng mga local chief executive sa NCR ang muling pagpapatupad ng dalawang linggong ‘curfew hours’ simula ngayong araw ay hindi naman umano ito sapat, ayon sa OCTA.
“The local government should now also intervene to prevent inundating hospitals, and put an end to this surge. Localized lockdowns have been shown to be effective in slowing down increasing trends in new cases. Additional restrictions such as curfews, border controls, reduced capacity in certain establishments, limitations in social gatherings… as well as continued monitoring and strict implementation by the local governments will hopefully slow down the rate of infection in NCR,” giit ng research team.
Nagbabala si David na kung hindi mapipigilan ang pagsirit ng COVID-19 cases ay posibleng mapuno na naman ang mga ospital at baka muling isailalim sa istriktong ‘quarantine’ ang buong bansa, at labis na namang maaapektuhan ang ekonomiya.
“In fact, sa Indonesia ngayon, bumababa na ‘yung kaso nila. Mas konti na ‘yung daily cases nila kaysa atin. So, importante talaga ma-roll out natin ‘yung vaccine,” dagdag pa ni David. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.