18 ARAW NA LANG BAGO HALALAN, MAY MAGBABAGO PA KAYA?

UNTI-UNTING  lumalapit ang petsa upang magbigay ng hatol ang sambayanan kung sino ang mga susunod na mamumuno sa ating bansa. Ang pinakatampok na bahagi ng halalan na ito ay kung sino ang susunod na Pangulo ng ating bansa.

Batay sa mga numero na lumalabas sa mga survey ng iba’t ibang organisasyon na nagsasagawa nito, hindi naalis si Bongbong Marcos sa unang puwesto simula nang maghain ang mga presidentiable ng kanilang kandidatura noong buwan ng Oktubre ng nakaraang taon.

Sa pinakahuling survey na isinagawa ng Octa Research noong ika-2 hanggang ika-6 ng Abril, nangunguna pa rin si BBM na may 57% bilang napipisil ng karamihan ng mga Pilipino na susunod na presidente ng Pilipinas. Samantalang si VP Leni Robredo ay nakakuha ng 22% naman. Umakyat ng bahagya ang numero ni Robredo kumpara noong nakaraang buwan ng Marso.

Matatandaan na ang Octa Research ay hindi pumalya sa kanilang survey tungkol sa pagtaas at pagbaba ng Covid-19 sa Pilipinas noong nakaraang taon.

Ang iba pang presidential candidates tulad nina Manila Mayor Isko Moreno, Sen. Manny Pacquiao, Sen. Ping Lacson at iba pang kandidato ay tila masasabing malayo na ang posibilidad na tumaas pa ang mga numero nila. Hindi man umakyat sa ‘double digit’ ang kanilang survey result ngayon na mabibilang na lang ang araw bago eleksiyon. Ganun pa man, patuloy pa rin ang pangangampanya nila. Ika nga eh, napasubo na ang mga ito.

Ang malaking katanungan ngayon ay kung may pag-asa pang aakyat ang numero ni VP Leni sa loob ng 18 araw. Kung titignan natin, maski na doblehin pa ang kasalukuyang survey rating niya o 100% increase, hindi pa rin aabot sa 57% na nakuhang rating ni BBM. Malabo rin na mabawasan ng 22% ang lamang ni BBM dahil ayon sa pag-aaral ng survey, may 40% na hindi na magbabago ang kanilang desisyon na iboboto nila si BBM.

Maaaring malaking tulong pa ang kamakailan na balita sa pagbabasura ng mga kasong disqualification ni BBM sa Comelec. Ang mga bilang ng undecided ay puwedeng mahikayat na iboto si BBM dahil alam nilang hindi na maaaring idiskwalipika si BBM maski na siya ang manalo sa eleksiyon.

Ngayon at nalalapit na ang eleksiyon, dahil sa pinakahuling resulta ng survey, tiyak na may campaign funds na hihinto na ang pagbigay sa mga siguradong hindi na mananalo.

Natatandaan ko pa ang sinabi ng isa kong kilala na nasa kampo dati ni Sen. Grace Poe noong panahon ng 2016 presidential elections. Noong umpisa ay marami raw silang nakukuhang campaign contribution dahil nga maganda ang palo ng numero ni Poe sa mga survey results ng mga respetadong survey organizations.

Subalit noong tumataas ang numero ni dating Davao City Mayor Rodrigo Duterte noong buwan ng Marso hanggang Abril, unti-unting sumasara ang gripo ng mga campaign contribution para sa kampo ni Poe.

Kaya hindi ako magtataka kung ilan sa mga tumatakbo ngayon at mababa ang numero nila sa survey, ay medyo tag-tuyot na ang campaign contribution.

Ang balita ko naman sa kabilang kampo, ay hindi na raw sila tumatanggap ng kontribusyon sa mga nais magbigay ng tulong sa kampanya nila. Marahil ay ayaw nilang magkaroon ng utang na loob kapag sila na ang nakaupo sa Malakanyang.

Para sa akin ay tama naman ang ganitong hakbang. Marami kasi sa mga gustong magbigay ng tulong sa isang kandidato, kung kailan alam na nila kung sino ang mananalo, ay maghahanap ng kapalit kapag nasa puwesto na ang mga kandidatong ito. Malinaw na hindi buo ang paniniwala nila sa nanalong kandidato. Pumumupwesto lamang ang mga ito.

Sa totoo lang, dalawa na lamang ang naglalaban. Si BBM at si VP Leni. Ang tanong na lang ay kung may panahon pa si VP Leni upang dumikit siya laban kay BBM, ngayon at malapit na matapos ang kampanya? Kung sa numero ng survey ang pagbabasehan, duda ako.