NAKAPAGTALA ng zero COVID-19 case nitong Miyerkules ang 18 sa 20 barangay sa Las Piñas City.
Ito ay inihayag ng pamahalaang lungsod na nagsabing ang dalawang barangay lamang na nagkaroon ng kaso ng COVID-19 kabilang Barangay Pamplona Tres na may dalawang kaso at Barangay Manuyo Dos na mayroon namang isang kaso ng virus.
Sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lungsod ay mayroon na lamang natitirang 34 aktibong kaso ng virus.
Base sa COVID-19 update ng Las Piñas City Health Office (CHO), nakapagtala ang lungsod ng kabuuang 29,498 kumpirmadong kaso ng virus kabilang na rito ang 34 aktibo at 3 bagong kaso ng COVID-19 habang 28,769 pasyente naman ang nakarecover na at 695 ang mga namatay.
Nanawagan din sa mga residente na sumunod sa mga ipinatutupad na health at safety protocols na ipinatutupad sa lungsod kasabay ng kanyang paghimok na magpabakuna bilang proteksyon laban sa COVID-19.
Bumibisita rin ang mga opisyal ng pamahalaang lokal sa mga vaccination sites sa lungsod upang mapaalalahanan ang mga residente tungkol sa importansya ng pagiging bakunado laban sa nakamamatay na virus.
Umaasang bago pa man dumating ang araw ng Pasko ay kayang abutin ng lokal na pamahalaan ang bilang na single-digit COVID-19 case sa lungsod. MARIVIC FERNANDEZ