18 CHINESE ARESTADO SA SCAM HUB, BRIBERY

LABINGWALONG Chinese ang inaresto dahil sa scamming operation at panunuhol sa mga ahente ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division (NBI-CCD) kasama ang NBI-Special Task Force (NBI-STF) sa Parañaque City.

Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na nakatanggap ang CCD ng impormasyon na may apat na unit ng condominium sa Casiana Residences sa naturang lungsod  na ginagamit bilang scam hub ng isang sindikatong binubuo ng mga dayuhan.

Sa surveillance operations, lumitaw na ang mga unit ay may mga workstations na sangkot sa iba’t-ibang uri ng pandaraya tulad ng pagnanakaw ng bank account information, fraudulent investment schemes, cryptocurrency scams at illegal gambling operations

Noong Oktubre 29, sinalakay ng mga operatiba ng CCD at NBI-STF sa koordinasyon sa local police ang lugar bitbit ang Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD) na inisyu ng RTC Branch 258, Parañaque City.

Natuklasan sa onsite examinations sa desktop computers ng mga ito ang isang scheme na guma­gamit ng social engineering tactics upang linlangin ang mga biktima.

Kinilala ang mga Chinese na sina Zhao Jianjun, Huang Cheng Chi, Huang Bi Ying, Li Hui Juan, Lengxin Yu, Liu Xing Rong, Chen Zihao, Zhou You Liang, Chen Xing, Chen Qing Gang, Huang Zhixon, Riu Chen, Mao Jing Hang, Liu Xuan Wu, Wang Wen Bin, Yan Xiao Hong At Yang Yun na isinailalim sa inquest proceeding dahil sa paglabag sa Illegal Access, Misuse of Devices, Computer-Related Forgery at Computer-Related Fraud sa ilalim ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 pati na rin sa Social Engineering Schemes at Economic Sabotage sa ilalim ng RA 12010 o ang Anti-Financial Account Scamming Act.

Nabatid na habang ibinabiyahe ang mga dayuhan patungong NBI Office sa Quezon City ay sinubukan ng isa sa mga ito na suhulan ang mga operatiba ng halagang P300,000 kada detainee o  P5.1-M para sa kanilang lahat.

Nakipag-ugnayan ang mga ahente upang mapanatili ang kontrol sa sitwasyon at makapaglunsad ng isang entrapment operation.

Sa kaparehong araw, dumating ang isa pang Chinese na nagdala ng backpack na may lamang P1.5-M bilang kabayaran para sa paglaya ng unang batch ng mga naaresto.

Matapos makumpirma na ang bag ay naglalaman ng pera para sa suhol, ina­resto ng CCD ang dayuhan na kinilalang si Hou Jusen na may dalang pekeng Pos­tal ID sa pangalang Jason Ponte Hao.

Kinasuhan ito ng Corruption of Public Officials, Falsification of Public Document at paglabag sa Anti-Alias Law.

RUBEN FUENTES