INARESTO ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang may labimpito katao na pinaniniwalaang supporters ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi dahil umano sa vote buying at vote selling kahapon ng umaga at isa naman sa Malabon kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nadakip na suspek sa vote buying na sina Luis Argana Jr., Alma Camora, Jenevive Tabason, Joy Paragoncillo, Dominador Bueno at Leilanie Casro.
Samantala, ang mga inaresto naman ng mga tauhan ng NCRPO sa vote selling ay kinilalang sina Arlinda Pedere, Bernardo Fabricante, Mae Val Radoza, Rafael Yaya, Rebecca Suay, Teresita Lequip, Erika Balaquin, Mylene Cabrera, Mica Gonzales, Marissa Sembrado at Erma Lasin.
Ayon kay NCRPO Major General Guillermo Eleazar ang mga suspek ay nahuli dakong alas-11:00 ng umaga sa loob ng Minerva Compound, National Road, Barangay Putatan, Muntinlupa City.
Kasalukuyan ngayong nasa kostudiya ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig ang 17 suspek na pawang mga taga-Muntinlupa City.
Ayon kay Eleazar, matapos silang makatanggap ng report hinggil sa nagaganap umanong vote buying at vote selling sa naturang lugar ay kaagad pinuntahan ng mga miyembro ng Regional Special Operations Unit (RSOU) ang naturang lugar.
Nahuli sa akto ng mga miyembro ng RSOU ang mga suspek at kaagad naman silang inaresto at sinabi ang kanilang violation.
Nakumpiska ng mga pulis sa mga suspek ang 17 pirasong letter envelop na naglalaman ng tig-P500; 122 na letter envelope na naglalaman ng tig-P300 na umaabot sa halagang P45,100, listahan ng mga botante sa bawat presinto, sample ballots at mga detalye ng buong halaga na naipamigay.
Samantala, base pa rin sa report ng NCRPO, dakong alas-9:30 kamakalawa ng gabi ay nadakip naman si Joel Adora, 48, ng #10 Burgos St., Brgy. Concepcion, Malabon City dahil din sa vote buying sa Governor Pascual Avenue, Brgy. Concepcion ng nabanggit na lungsod.
Habang nagpapatrolya ang mga tanod sa lugar ay nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na si Adora ay sangkot sa vote buying.
Nakumpiska sa suspek ang 17 pirasong kulay puting sobre na naglalaman ng tig P300 at voting paraphernalias.
Ayon kay Eleazar ang mga suspek na nadakip ay nahaharap sa kasong paglabag sa Omnibus Election Law (Vote Buying and Vote Selling). MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.