BICOL REGION – UMAABOT sa 18 unauthorized o illegal level crossing ang isinara ng Philippine National Railways (PNR) sa rehiyon nitong buwan ng Oktubre.
Ayon sa ulat ng PNR kabilang sa mga isinarang unauthorized crossings ay ang Bagumbayan Crossing sa Ligao, Road Intersecting Almeda Highway Crossing sa Naga, Sampaloc Crossing sa Gainza, Travesia at San Francisco Crossing sa Guinobatan, at Mayao Payawan at Capucnasan Crossing sa Milaor.
Naisara na rin ang Agos Crossing sa Bato, Apad, Cepeda, San Martin, at Agos Crossing sa Polangui, Campugo, Inalahan, at Camambugan Crossing sa Libmanan, Pamplona Crossing sa Pamplona at New San Roque at Anayan Crossing sa Pili.
Ang nasabing crossings ay sinimulang isara ng PNR mula Agosto ngayong taon dahil sa itinayo ang mga ito sa PNR Right-of-Way (ROW) nang walang pahintulot mula sa ahensya.
Ayon kay PNR General Manager Deovanni Miranda, mahalaga na maisara ang mga unauthorized crossing upang mas maging ligtas ang operasyon ng PNR at makapagbigay ng mas mabilis at komportableng biyahe para sa publiko, lalo’t nalalapit na ang pagdami ng biyahe ng tren sa rehiyon bukod pa sa labag sa batas ang pagtatayo ng walang pahintulot mula sa ahensya.
Samantala, binibigyan naman ng abiso ng PNR ang bawat Local Government Units (LGUs) at barangay bago isara ang mga unauthorized crossing sa kanilang lugar.
Habang patuloy din ang ginagawang monitoring ng PNR Maintenance Team upang masiguro na ang isinarang crossing ay hindi na madaraanan ng mga motorista at pedestrian habang patuloy ang ginagawang rehabilitation at repair ng PNR sa crossing barriers nito.
Sa kasalukuyan, mula sa Lupi Viejo, Camarines Sur hanggang sa Legazpi City, Albay, mayroong 164 level crossing ang PNR, 89 dito ang authorized habang 63 naman ang unauthorized.
Target ng PNR na maisara pa ang nasa 30 unauthorized crossings bago matapos taong 2024.
EVELYN GARCIA