LABINGWALONG top volleyball squads mula sa mga nangungunang colleges at universities sa bansa ang magbabakbakan sa third edition ng Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship na papalo sa Biyernes sa makasaysayang Rizal Memorial Coliseum.
Ikinatuwa ng liga ang pagbabalik ng University of the Philippines at De La Salle University makaraang maghain ng leave of absence noong nakaraang taon upang kumpletuhin ang tournament cast na tinatampukan ng lahat ng walong koponan mula sa UAAP at 10 mula sa NCAA.
“All 18 schools are confirmed. This is our third conference this season. This is our flagship conference. Our main event. The goal really was to get all 18 schools, the 10 NCAA teams and eight UAAP schools. We’re happy that we’re able to do that this year,” sabi ni Dr. Ian Laurel, presidente ng SSL organizer Athletic Events and Sports Management, Inc. (ACES), sa press conference ng liga kahapon sa Shakey’s Malate.
Target ng UAAP champion National University na makopo ang ikatlong sunod na conference crown at ang sweep sa season matapos ang flawless National Invitationals conquest nito noong nakaraang Hulyo.
Subalit tiyak na mahaharap ang Lady Bulldogs sa mabigat na laban mula sa kumpetitibong field sa centerpiece SSL tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.
Ang 18 squads ay hinati sa apat na pools kung saan ang NU, Arellano University, Emilio Aguinaldo College, Ateneo de Manila University at San Beda University ay magkakasama sa Pool A.
Ang Pool B ay binubuo ng University of Santo Tomas, Lyceum of the Philippines University, Mapua University, University of the East at University of Perpetual Help System Dalta.
Ang Pool C ay pinangungunahan ng La Salle, kasama ang Letran College, Jose Rizal University at UP habang ang Pool D ay kinabibilangan ngNCAA champion College of Saint Benilde, San Sebastian College-Recoletos at Adamson University.
Ang opening playdate sa Biyernes ay tatampukan ng SSC-R kontra FEU sa alas-3:30 ng hapon habang magsasagupa ang Lyceum at UE sa alas-6 ng gabi.