RIZAL-UMABOT sa 180 katao ang naaresto sa isinagawang pitong araw na Simultaneous Anti Criminality Campaign Operations (SACLEO) mula nitong Hunyo 13 hanggang 19.
Ito ang iniulat ni Rizal Police Provincial Director Col. Dominic L Baccay kay CALABARZON Regional Director Brig.Gen Antonio C Yarra kaugnay sa kampanya laban sa ilegal na droga kung saan 111 personalidad ang naaresto at humigit-kumulang 365.41 gramo ng shabu at 14.1 gramo ng marijuana ang nasamsam na nagkakahalaga ng P2,492,802 sa ikinasang 81 operasyon.
Sa kampanya naman laban sa Wanted Persons, sa kabuuan, 63 suspek ang naaresto sa pamamagitan ng warrant of arrest, 17 dito ay kabilang sa Most Wanted at 46 ang kabilang sa tinatawag na Other Wanted Persons.
Sa kampanya laban sa Loose Firearms, 4 na operasyon ang isinagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng 6 na personalidad at pagkumpiska sa 6 na armas.
Ang pinaigting at patuloy na operasyon laban sa lahat ng uri ng kriminalidad ng PNP ay nagsisilbing mahigpit na babala sa lahat ng mga kriminal na hindi titigil ang PNP sa paghahangad ng kaligtasan ng publiko para sa mga mamamayan na magkaroon ng mas ligtas at payapang lalawigan. ELMA MORALES