18,000 KAWANI NG VALLACAR TRANSIT ESEP-ESEP DIN

MASAlamin

MAY 18,000 empleyado ng Vallacar Transit na nag-o-operate ng Ceres Bus lines na may 4,000 na mga bus na bumibiyahe sa Visayas at Mindanao ang dapat maging matalino para na rin sa kani-kanilang kapakanan.

Nagkaroon ng ma­nagement change sa nasabing kompanya at nalagay sa balag ng alanganin itong Vallacar dahil na rin umano sa mga pinaggagawa nitong si Leo Yanson, ang dati nilang pangulo.

Sa sulat ng Chief Financial Officer ng nasabing bus company na si Celina Yanson-Lopez, napag-alaman na nag-withdraw umano ng mil­yon-milyong pisong pera ng kumpanya itong si Leo Yanson nang walang anumang pahintulot ga­ling sa management.

Milyon-milyong pisong kinuha sa perang pinagpaguran ng mga empleyado ng Vallacar itong dati nilang pangulo. Ito’y mula lamang a-uno ng Hunyo hanggang a-disisyete ng taong kasalukuyan. Dahil sa laki ng halaga, patuloy pa ang accounting.

Nang komprontahin diumano ni Lopez si Leo Yanson, sinabi nitong karapatan niyang kumuha ng pera ng kompanya ng walang abiso bilang pangulo nito.

Aba, tinamaan naman pala ng lintik itong taong ito… inangkin na niya ang kompanya na pinaghirapan ng kanyang ina na nabubuhay pa na si Olivia at ng nasira nitong asawa na si Ricardo Yanson.

Oo nga’t ipinagkatiwala ng kanyang amang si Ricardo ang kompanya kay Leo, pero may lima pang anak si Ricardo na board members ng family corporation. Pare-pareho silang may share sa company  makaraang ibigay ito ng kanilang ama bago pa ito mamatay.

At kahit na may shares sila sa kompanya, ni minsan ay hindi kumuha ng pera sa kompanya ang mga ito nang walang karampatang kapahintulutan sa management, lalo na sa board of directors.

Korporasyon ang Vallacar na kailangang pangalagaan ang kapakanan ng 18,000 empleyado nitong umaasa sa bus company sa kanilang kabuhayan at kinabukasan ng kani-kanilang mga anak. ‘Yan ang tagubilin sa kanila ng kanilang ama na namatay noon pang Oktubre 25, 2015.

Kahit na ba pangulo ng kompanya, hindi maaari na kukuha basta-basta ng pera na diumano’y bahagi rin ng pasuweldo at benepisyo ng mga empleyado.

May prosesong nakalatag at may polisiyang dapat sundin. At sa mga prosesong ito, sakop doon ang presidente ng kompanya.

Kaya naman hindi kataka-taka na tsugiin si Leo Yanson ng management ng bus company.

Para kasi niyang ginawang personal bank ang Vallacar na naglagay sa alanganin sa kompanya.

Hindi man lamang inisip na maaapektuhan ng kanyang ginawa ang suweldo at mga benepisyo ng mga empleyado ng kompanya.

Nagdesisyon ang board na patalsikin bilang pangulo si Leo ngunit sa kabila ng pagi­ging ilegal ng ginawa nito, favorite pa rin umano ng mga empleyado ang kanilang dating presidente.

Samantala, ang bagong presidente ay ni­rerespeto ang kabuhayan at trabaho at walang tanggalan na naganap sa mga empleyado. Maiging esep-esep din kung sino ba ang nasa tama at suportahan kung sino ang tapat ang layunin para sa ikabubuti ng 18,000 empleyado at ng kompanya.

Hindi ito popularity contest. Ang isyung ito ay tungkol sa katumpakan at pagsunod sa company policies.

Kung ang presidente mismo ang lalabag sa mga polisiya, tiyak itong ikalulubog ng kompanya. Kaya esep-esep din.

Comments are closed.