CRAME – UMAABOT na sa 1,828 pulis ang tinanggal na sa serbisyo kaugnay sa nagpapatuloy na paglilinis sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Habang may 1,000 pulis na pawang sangkot sa kalakaran ng ilegal na droga ang target din sa ilalim ng kanilang massive internal cleansing program sa hanay ng pulisya.
Ayon kay PNP Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde, ang mga nabanggit na pulis ay kanilang mino-monitor dahil sa pagkakasangkot sa illegal drug trade o kaya ay pagiging protektor ng mga sindikato ng droga.
Subalit, tiniyak ni Albayalde na may ginagawa nang hakbang ang pamunuan ng PNP para matukoy at makasuhan ang tiwaling pulis.
Sa pinakahuling datos ng PNP Counter-Intelligence Task Force (PNP-CITF) mula noong February 3, 2017 hanggang July 31, 2018 ay umabot na sa 87 ang mga tiwaling pulis ang kanilang naaresto.
Ayon naman sa PNP Internal Affairs Service, nasa 69 na police personnel ang nasampahan na ng kasong administratibo ng CITF at 56 ang nasibak sa serbisyo.
Nabatid na simula 2016 hanggang sa unang semester ng 2018, ay umabot sa 6,401 na ang isinalang sa imbestigasyon at umaabot sa 1,828 PNP personnel ang nahatulan ng summary dismissal sa service. VERLIN RUIZ
Comments are closed.