185,982 BULAKENYO TARGET MABAKUNAHAN SA 3 ARAW NA NATIONAL COVID-19 VAX DRIVE

BULACAN– Tinatayang aabot sa 182,982 Bulakenyo ang mababakunahan sa tatlong araw na National COVID-19 Vaccination Days mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1 ng taking kasalukuyan.

Sa ipinalabas na pahayag ni Dr. Hjordis Marushka Celis, direktor ng Bulacan Medical Center, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at layon na makapagbakuna ng 1,000 katao kada araw habangay kabuuang 144,498 ang hangad na mabakunahan sa 21 munisipyo at 38,484 sa tatlong lungsod ng lalawigan.

Positibo si Gob. Daniel Fernando na makakamit ito ng lalawigan sa pakikiisa nito sa kampanya ng pamahalaang nasyunal na may temang “Bayanihan Bakunahan: Ligtas. Lakas. Buong Pinas.”

Bukas ang nasabing bakunahan sa lahat ng mga Bulakenyong may edad 12 taong gulang pataas na hindi pa nababakunahan ng unang dosis; pangalawang dosis para sa mga bata at matatanda, gayundin ang mga nangangailangan na ng booster shots.

“Mas marami tayong mabakunahan, mas maganda para sa atin kaya inaanyayahan at hinihikayat natin ang mga Bulakenyo na hindi pa nababakunahan na samantalahin na ang pagkakataon na ito. Kahit po hindi kayo naka-rehistro, pwede po kayong tumuloy at kayo po ay haharapin ng ating mga frontliner,” ani Fernando.

Para sa impormasyon sa mga lugar bakunahan sa mga munsipyo at lungsod, mangyaring bisitahin ang kani-kanilang opisyal na Facebook Page. RAMON EFREN LAZARO