189 POSITIBO SA HIV ‘DI NAKALIGTAS 

HIV VICTIMS

HINDI nakaligtas ang may 189 indibidwal na tinamaan ng human immunodeficiency virus (HIV) na binawian ng buhay noong Abril.

Sa datos na inilabas ng Derpartment of Health (DOH) -Epidemiology Bureau (EB), ang nasabing bilang ng nasawi ay kasama sa 840 bagong kaso ng HIV na naitala sa nasabi ring buwan.

Mas mababa naman ang bilang ng mga bagong kaso ng HIV sa naitala nilang 924 kaso noong April 2018.

“Of the total cases last April of this year, 20 percent or 165 cases had clinical manifestations of advanced HIV infection,” ulat pa ng DOH.

Ang sexual contact o pakikipagtalik pa rin ang pangunahing dahilan nang pagkahawa ng sakit na bumiktima ng 819 kaso.

Iba pang dahilan ng pagkahawa ng sakit ay needle sharing kabilang ang pag-i-inject ng drug users na nakapagtala ng limang bik-tima at tatlo naman ang nabiktima ng mother-to-child transmission.

At mayroon naman na 13 pang kaso ng HIV ang hindi pa batid kung paano nahawa.

Napag-alaman din na apat sa mga bagong pasyente ay buntis nang matuklasang may HIV sila, kung saan dalawa ay mula sa  Region 4A (Calabarzon), isa mula sa Region 1 (Ilocos Region) at isa mula sa 10 (Northern Mindanao).

Karamihan naman sa mga bagong kaso ng sakit ay mula sa National Capital Region (NCR) na may 271 cases, na sinundan ng Calabarzon (137 cases); Central Luzon (92 cases); Central Visayas (65 cases); at Western Visayas (55 cases).

Ayon sa DOH, sa u­nang apat na buwan naman ng 2019 ay kabuuang 4,274 new HIV cases na ang kanilang naitala.

Mayroon naman  umanong 66,303 kumpirmadong HIV cases sa bansa simula noong 1984. ANA RO-SARIO HERNANDEZ

Comments are closed.