18TH ASIAN GAMES AARANGKADA NA

18th Asian Game

JAKARTA – Pormal na magsisimula ang 18th Asian Games ngayong araw sa pamamagitan ng magarbo at makulay na opening ceremony sa Gelora Bung Karno (GBK) main stadium dito.

Mahigit 10,000 atleta mula sa 45 bansa, sa pangunguna ng powerhouse at perennial champion China at sports giants Japan at South Korea, ang magtatagisan sa 67 disciplines at 462 events sa pinakamalaking sports spectacle sa Asia na inorganisa ng Olympic Council of Asia, sa pakikipagtulungan ng International Olympic Committee.

Ang bowling, lawn tennis, shooting, triathlon, pencak silat, at water sports ay lalaruin sa Palembang, ang main playing venue noong 2011 Southeast Asian Games.

Ang opening ceremony ay dadaluhan ng matataas na opis­yal, sa pangunguna nina Olympic Council of Asia president Ahmed Al-Fahad Al-Ahmed Al-Sabah, honorary lifetime vice president Wei Jizhong, Indonesia Ministry of Youth and Sports Gatot Dewa Buto at Indonesia Asian Games Commit-tee president Erick Thohir.

Kakatawanin ang Filipinas ng 272 contingent na binubuo ng mga atleta, coach at opisyal, sa pamumuno nina Chief of Mission ­Richard Gomez at Philippine Olympic Committee president Ricky Vargas, kasama sina ­Philippine Sports Commission Chairman William Ramirez at Commissioners Arnold Agustin at Charles Raymond Maxey.

Sasabak ang mga Pinoy sa 31 sports kung saan naghihintay ang cash incentives mula sa Siklab Atleta Pilipinas Sports Foundation na pinamumunuan ni  Davao-based sportsman-businessman Dennis Uy at sa PSC, sa mga mananalo ng medalya.

Ang kampanya ng bansa ay pangungunahan ng apat na Olympians – silver medalist Hidilyn Diaz, Filipino-American Eric Shawn Cray, Mary Joy Tabal at Marestella Torres-Sunang. CLYDE MARIANO

Comments are closed.