19 ARESTADO SA VISHING SCAM

CAVITE – ARESTADO ang 19 katao matapos na magsagawa ng operasyon ang Cyber ​​Financial Crime Unit (CFCU) ng PNP Anti-Cybercrime Group (PNP ACG) ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD) na sangkot sa Voice Phishing (Vishing) at Scamming kabilang pa dalawang perso­nalidad sa social media (Vloggers).

Isinasagawa ang operasyon sa pakiki­pagtulungan ng lokal na pulisya, mga opisyal ng barangay at Bangko Sentral ng Pilipinas.

Bago ang operas­yon, ang PNP-ACG ay nagsagawa ng tatlong operasyon mula Hun­yo hanggang Agosto sa pagbuwag sa mga Vishing hub.

Inaresto ng ACG Cyber ​​Response Unit (CRU) ang siyam na suspek sa General Trias at Trece Martires sa Cavite habang 10 suspek naman ang inaresto ng ACG Southern District Anti-Cybercrime Team (SDACT) sa Taguig City.

Nasamsam sa mga suspek ang ilang SIM card, mobile device, laptop, samu’t saring mga dokumento sa bangko, ledger, at script na ginamit sa panloloko sa mga biktima.

Ang Vishing scam ay ang mapanlinlang na kasanayan ng paggawa ng mga tawag sa tele­pono na nagpapanggap bilang mga kinatawan ng bangko, pagkumbinsi sa mga indibidwal na i-update ang kanilang lumang card at ibunyag ang kanilang mga detalye ng bank account, tulad ng mga numero ng credit card, pati na rin ang pagbibigay ng kanilang One-Time-Pin (OTP).

Mula sa simpleng vishing hanggang sa spear phishing, gina­gamit ng mga suspek ang impormasyong nakuha mula sa mga application ng credit card at ledger o spreadsheet, na malamang na kinuha mula sa mga third-party na service provider ng mga bangko, gaya ng mga kumpanya ng Business Process Outsourcing (BPO).

Kakasuhan ang mga naarestong suspek ng paglabag sa RA 12010, o ang Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) bukod pa sa mga kaso para sa paglabag sa RA 8484 (Access Devices Regulation Act of 1998), gaya ng amyendahan at RA 10173 (Data Privacy Act of 2012) na parehong may kaugnayan sa RA 10175 (Cybercrime Prevention Act) ang isasampa laban sa kanila.

SID SAMANIEGO