19 KATAO ARESTADO SA CYBERCRIME OPERATION

CAVITE – ARESTADO ang 19 katao kabilang ang 9 kababaihan sa search warrant operation kaugnay sa Anti Cybercrime Prevention Act kamakailan sa loob ng isang subdivision ng Brgy. Bucandala 3, Imus City.

Kulong at sinampahan ng mga kasong Violation of R.A. 10175 otherwise Known as “Cybercrime Prevention Act of 2012 ang 19 suspek na kinilala sa mga alyas na Alex, 28-anyos; Angela, 34-anyos; Mo­nica, 23-anyos, pawang residente ng Mandaluyong City; Augustina, 36-anyos ng Paco Manila; Grace, 24-anyos ng Davao City; Ariezza, 21-anyos ng Makati City; Janice, 40-anyos ng Masbate; Sharmelyn, 28-anyos ng Tanay Rizal; Joan, 26-anyos ng Makati City;  Michael, 29-anyos ng Taguig City;  Roberto, 38-anyos ng Sta Ana, Manila; Dinky, 37- anyos ng Mendez Cavite; Clint, 28-anyos ng Dasmarinas City;  Lester, 42-anyos ng Makati City; Jeremiah, 38-anyos ng Dasmarinas City; Mark, 31-anyos ng Makati City; Gauden, 33-anyos ng Sta Ana Manila; Wenny ng Davao City at Gerardo, 29-anyos ng San Carlos,Manila.

Sa ulat ng pulisya, alas-4:23 ng madaling araw nang salakayin ng Cyber Crime Unit at mga  operatiba ng CFCU sa panguguna ni Lt Irish Nikko F Picache, DFU, Cavite PCRT at Imus Police sa pangunguna ni Col. Louie Dionglay ang unit na ino­okupa ng mga suspek sa Block 8 Lot 2 Japan Street, Hamilton Homes, Bucandala 3, Imus City.

Bitbit ang Search Warrant, Seize, and Exa­mine Computer Data (WSSECD) No. 019-24 for Violation of R.A. 10175 otherwise Known as “Cybercrime Prevention Act of 2012, naabutan ng grupo ang mga suspek na aktwal na nagsasagawa ng mga illegal aktibidades sa mga computer.

Nakumpiska dito ang may 68 piraso ng mga mobile devices, 2 laptop, ibat ibang  Financial Documents (BPI, Metrobank, Security Bank, BDO, RCBC, MayBank, AUB, Eastwest, Robinsons Bank, PNB, ECR card marketing Inc, ibat ibang uri ng simcards at ledgers.

Hawak ng ACG Headquarters ang mga naarestong suspek at isinasailalim na sa inquest proceedings at  physical examination.

SID SAMANIEGO