19 NPA SUMUKO SA GOBYERNO

NAGBALIK-LOOB sa gobyerno ang 19 na regular na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Negros Oriental, ilang araw makalipas manumpa sa tungkulin ang Pangulong Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr.

Kusang-loob sumuko sa Headquarters ng 94th Infantry Battalion sa Brgy Tambo, Ayungon, Negros Oriental nitong Sabado ang miyembro ng Central Negros Front 2 (CN2) ng Komiteng Rehiyon-Negros, Cebu, Bohol, Siquijor (KR-NCBS).

Umaasa ang mga sumukong NPA na magkakaroon sila ng pagkakataon na makapagsimula uli makaraang mabigo sa mga hindi totoong pangako ng kanilang mga lider.

Sa ngayon sumasailalim sa pag-proseso ang mga sumuko, upang makuha ang mga benepisyo sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP).

Masayang tinanggap ni 3rd Infantry “Spearhead” Division Commander Maj. General Benedict Arevalo ang mga sumuko at hinikayat ang mga nalalabing miyembro ng NPA na magbaba na rin ng armas upang makapamuhay na ng tahimik sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. REA SARMIENTO