(19 PDLs sa QC grumadweyt sa kolehiyo) EDUKASYON SA LOOB NG PIITAN

SA isang makasaysayang seremonya, 19 na babaeng persons deprived of liberty (PDLs) sa Quezon City Jail Female Dormitory ang tumanggap ng kanilang pinagpagurang diploma sa kolehiyo na nagsilbing isang mahalagang sandali hindi lamang para sa edukasyon kundi para rin sa pag-asa at kapangyarihan ng mga kababaihan na naghahangad ng mas maliwanag na kinabukasan.

Si Department of Justice (DOJ) Undersecretary Margarita Gutierrez ang nagsilbing Guest of Honor and Speaker na nagbigay-diin sa makabuluhang pagbabago na dala ng tagumpay ng mga nagtapos.

“Today, you are not just graduates; you are role models, trailblazers and advocates for change. Nawa’y ang inyong mga kwento ay magsilbing inspirasyon sa iba upang maniwala sa kanilang halaga at potensyal at nawa’y palagi kayong tumayo para sa karapatan at dignidad ng lahat ng kababaihan” ayon kay Gutierrez.

Binigyang-diin ni Usec. Gutierrez ang lakas at katatagan ng mga Pilipina at sinabi nitong “Bilang mga kababaihan, kayo ay sumasalamin sa diwa ng determinasyon at pag-asa. Ang inyong paglalakbay ay nagpapaalala sa ating lahat na bawat isa, anuman ang nakaraan o kasarian ay may karapatang bumangon, magbago, umunlad at magsimulang muli.”

Hinimok din niya ang mga nagtapos na sunggaban ang pagkakataon na pagbutihin ang kanilang mga buhay at mag-ambag para sa ikabubuti ng kanilang mga komunidad.

“Ngayon, hindi lamang kayo mga nagtapos; kayo ay mga huwaran, mga nangunguna at mga tagapagtaguyod ng pagbabago. Nawa’y ang inyong mga kwento ay magsilbing inspirasyon sa iba upang maniwala sa kanilang halaga at potensyal, at nawa’y palagi kayong tumindig para sa karapatan at dignidad ng lahat ng kababaihan” dagdag pa nito.

Ang mga babaeng PDLs ay nagtapos ng Bachelor of Science in Entrepreneurship sa pamamagitan ng Alternative Learning System program, isang pakikipagtulungan ng Quezon City Government, Bureau of Jail Management and Penology at Quezon City University.

Sa kanyang talumpati, pinuri rin ng Undersecretary ang Quezon City Government sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte para sa dedikasyon nito sa rehabilitasyon at reintegrasyon ng mga PDL at sa pagpapalakas ng mga kababaihan sa kabila ng mga hamon na kanilang kinakaharap.

RUBEN FUENTES