TINUKOY ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang 1,955 barangays sa bansa na prone sa mga pagbaha at pagguho ng lupa kasunod ng pananalasa ni Severe Tropical Storm Kristine at sa gitna ng pagpasok ng bagong bagyong Leon.
Sa isang threat advisory noong Linggo, sinabi ng MGB na ang Cagayan ang may pinakamaraming flood at landslide-flood-prone barangays na may 802.
Ang iba pang mga apektadong barangay ay matatagpuan sa mga lalawigan ng Batanes, Isabela, Negros Oriental, Apayao, Kalinga, Ilocos, Occidental Mindoro, Palawan, Aklan, Antique, Iloilo, at Negros Occidental.
Maaaring i-check ng publiko ang kani-kanilang barangay sa kumpletong listahan ng MGB.
Sakop ng threat advisory ang period mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 1.
Ang mga barangay ay tinukoy bilang flood at landslide-flood-prone base sa 100 millimeter (GSM) at 150 mm Weather Research and Forecasting model rainfall threshold values.
Pinapayuhan ng MGB ang lahat ng local government units (LGUs), Disaster Risk Reduction and Management Councils, gayundin ang mga komunidad na manatiling mapagbantay at alerto para sa posibleng pagguho ng lupa, flood/flash flood at debris flow sa kani-kanilang Areas of Responsibility.
Kailangan ang kooperasyon ng bawat isa para masiguro ang kaligtasan sa panahon ng kalamidad.