MAHIGIT 19,000 Filipino workers na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Metro Manila ang maaapektuhan ng nalalapit na ban, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sinabi ni DOLE-NCR Assistant Regional Director Jude Thomas Trayvilla na hanggang September 16, nakumpleto na ng ahensiya ang profiling ng kabuuang 19, 341 Filipino employees na nagtatrabaho sa ilalim ng 48 internet gaming licensees (IGLs) sa capital region.
Karamihan sa mga manggagawa ay kumikita ng mula P16,000 hanggang P22,000 at nagtatrabaho sa ilalim ng administrative tasks, encoding, HR, liaison, marketing, finance, IT, housekeeping, gayundin bilang drivers at security guards.
“More than 19,000 ang maapektuhan nito sa buong NCR at halos lahat naman ng companies na affected ay nakapag-submit ng listahan,” pahayag ni Trayvilla sa Kapihan sa Bagong Pilipinas nitong Martes.
“As of now, na-map na kung saan-saan itong mga empleyado in cooperation with our Public Employment Services Offices ng mga LGUs,” aniya.
Nauna nang tiniyak ng DOLE ang kahandaan nito na magkaloob ng tulong sa mga Filipino worker na mawawalan ng trabaho dahil sa POGO ban.
Ayon kay Trayvilla, kabilang sa mga tulong na ipagkakaloob ng DOLE sa mga apektadong empleyado ay ang TUPAD program, livelihood projects, at specialized job fair.
Ang job fair ay gaganapin sa October 10, 2024 sa Ayala Malls Manila Bay sa Pasay City. May 70 employers ang inaasahang lalahok sa event.