QUEZON- MAHIGIT isang libong bahay sa dalawang isla ng bayan ng Burdeos sa lalawigang ito ang nananatiling nakadapa makaraang salantahin ng Bagyong Karding na may apat na araw na ang nakalipas.
Sa taya ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction Management office, may 500 pamilya ang nagtitiis sa initan at pinagtagpi-tagping karton at mga nasirang tarpaulin para may masilungan.
Sinabi ni Barangay Chairman Jake Lape ng naturang lugar, ang mga Barangay ng Cataclan at Caludcod ang grabeng hinagupit ni Karding kung saan kahit ang haligi ng mga bahay ay nabunot sa lakas ng hangin.
Panawagan ng mga residente ng dalawang isla na matulungan sila ng pamahalaan sa panibagong pagtatayo ng kahit barong barong para may matulugan ang kanilang mga pamilya.
Ayon sa DOH Calabarzon na agarang tulong na malinis na tubig, mga gamot at mga matutulugan ng mga bata ang dapat maibigay sa mga nasalanta.
Sinabi naman ng Quezon provincial government na agad silang magpapadala ng mga kahoy, yero at hardware materials para sa mga pamilyang naapektuhan ni Karding. ARMAN CAMBE