CAGAYAN-MAHIGIT sa 1,000 board feet na ilegal na pinutol na kahoy ang natagpuan at kinumpiska ng mga kawani ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) katuwang ang awtoridad sa kilometer 12, 13 at 14 sa Barangay Sta. Margarita, Baggao.
Sinabi ni Baggao Mayor Joan Dunuan, isang impormasyon ang kanilang natanggap mula sa isang concerned citizen tungkol sa talamak na illegal logging activity sa bulubunduking bahagi ng Barangay Sta. Margarita, Baggao, Cagayan.
Ayon kay Mayor Dunuan upang mapatunayan ang kanilang natanggap na impormasyon ay kasama siyang umakyat sa bundok kasama ang mga kawani ng MENRO at mga awtoridad sa ilang kilometro at ilang oras na lakarin sa nasabing lugar.
Nang sapitin ng grupo ang lugar ay tumambad sa kanila ang libong board feet na illegal na pinutol ng mga hindi pa nakikilalang mga illegal loggers, at nagkalat ring pinutol na “white lauan’’ na punong kahoy at chainsaw.
Maliban sa chainsaw na kanilang nakuha ay wala nang naabutan ang kanilang grupo na aktong namumutol ng mga punong kahoy, dahil sa maaaring natunugan sila habang paakyat na ang alkade.
Samantala, muli na namang nagpaalala ang punong bayan sa mga mamamayan ng Baggao na makipagtulungan sa pagbabantay sa mga bulubunduking lugar kung saan ay may mga punong kahoy na nakatanim na siyang pumipigil sa pagbaha sa kanilang lugar na bantayan para masawata ang illegal na pagtotroso.
Dismayado naman ang alkalde dahil sa kabila ng checkpoint ng DENR ay tila malayang nakakapasok ang mga illegal loggers sa naturang lugar.
Kaya’t hihilingin ni Mayor Joan Bunuan kay DENR Sec. Roy Cimatu at Under Sec. Benny Antiporda, kung maaari ay tulungan ang lalawigan ng Cagayan pangunahin na ang bayan ng Baggao na binabaha na sanhi ng talamak na illegal na pagputol ng mga punong kahoy sa kanilang bayan. IRENE GONZALES