1K MONTHLY SUBSIDY NG SOLO PARENTS DAPAT IPAMAHAGI -TULFO

Pinaalalahanan ni ACT-CIS at House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ang local government units (LGUs) na buwanang ibigay ang P1,000 allowance ng mga solo parents na nakatira sa kanilang mga lugar.

Ayon kay Rep. Tulfo, “ilang mga katanungan na kasi ang nakakarating sa aking opis mula sa mga solo parents kung buwanan ba ang pagbibigay ng P1k ng LGU sa kanila lalo na yung mga malalaki at mayayamang mga lungsod o bayan”.

Sa ilalim kasi ng Expanded Solo Parent Welfare Act of 2922 o Republic Act 11861, dapat buwanang bibigyan ng P1,000 subsidiya ang mga low income solo parents.

“Ang sumbong kasi, nakatira sa mayamang lungsod dito sa NCR si solo parent pero P500 lang ang natatanggap niya at ito ay every other month pa”, ayon kay Cong. Tulfo.

“Malaking tulong kasi itong P1k monthly sa solo parent na kapiranggot ang sahod lalo pa’t nagmahal na ang mga bilihin ngayon”, ani Cong. Tulfo.

Ayon pa kay Tulfo, na dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary, naiintindihan nya kung yung mga maliliit o mahihirap na bayan ay hindi maibigay ang buwanang subsidiya ng solo parent.

“Kulang kasi ang budget ng mga 4th o 6th class municipalities. Pero ‘yung mayayamang lungsod o bayan dapat monthly nilang ibigay yung para sa solo parents”, ani Tulfo.

Pag-aaralan din ng naturang mambabatas kung papaano o saan kukuha ng pondo para sa solo parent ang mga mahihirap na LGU.