1K NCR WORKERS NAKATANGGAP NA NG FINANCIAL AID

Sarah Buena Mirasol

MAHIGIT sa  1,000 formal sector workers sa Metro Manila ang nakatanggap na ng PHP5,000 cash assistance sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa kanyang report sa Bureau of Local Employment ng DOLE, sinabi ni DOLE-NCR regional director Sarah Buena Mirasol na nakapagbigay na ang kanyang tanggapan ng tulong pinansiyal na nagkakahalaga ng PHP5.5 million sa may 1,074 empleyado.

“We’ve processed a total of PHP5,504,250 financial support and each of the CAMP beneficiaries received their PHP5,000 assistance through a money remittance scheme,” wika ni Mirasol sa isang statement.

Aniya, hanggang noong Martes ay nakatanggap sila ng 46,213 CAMP applications na isinumite ng 973 private establishments sa Metro Manila na nagpatupad ng Flexible Working Arrangements (FWAs) o temporary closure, kaugnay sa DOLE Labor Advisory No. 9, series of 2020.

Sa kasalukuyan, mahigit sa 43,000 requests, aniya, ang kanilang pinoproseso para sa financial assistance mula sa nasabing bilang ng aplikasyon.

Humingi si Mirasol ng pasensiya at kooperasyon ng mga employer dahil sa pagbaha ng aplikasyon na natanggap sa online.

Pansamantala rin niyang ipinagbawal ang pagpasok ng mg bisita sa kanilang opisina at pinayuhan ang mga kliyente na ipadala ang kanilang CAMP applications sa pamamagitan ng e-mail, bilang pagsunod sa quarantine protocol at para maiwasan ang workplace exposure sa COVID-19.

“We have a skeletal workforce available in the office but in strict adherence to the Enhanced Community Protocol in Luzon, we are temporarily not welcoming any visitors. Please understand that we prioritize the safety and health of our customers and so we request our clients and partners to transact or communicate with us online via e-mail or through our hotline numbers to prevent the spread of (coronavirus disease 2019),” dagdag pa niya.