MADARAGDAGAN na naman ang public utility jeepneys (PUJ) sa mga lansangan sa Metro Manila simula sa Miyerkoles, Set. 9, makaraang payagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang muling pagpasada ng may 1,006 PUJs.
Sa isang statement, sinabi ng LTFRB na ang mga jeepney ay bibiyahe sa 10 ruta na kinabibilangan ng Epifanio Delos Santos Avenue (Edsa/North Avenue hanggang Quezon City Hall), Marcos Avenue hanggang Quirino Highway via Tandang Sora, Dapitan-Libertad via L. Guinto, Divisoria -Retiro via Jose Abad Santos, Divisoria-Sangandaan, Libertad-Washington, Baclaran-Escolta via Jones at L. Guinto, Baclaran-QI via Mabini, Blumentritt-Libertad via Quiapo at L. Guinto, at Blumentritt-Vito Cruz via L. Guinto.
Ang naturang mga jeepney ay papayagang muling bumiyahe sa kondisyong “roadworthy” ang mga ito at may valid personal passenger insurance policy.
“Maaaring i-download ang QR Code mula sa website ng LTFRB (www.ltfrb.gov.ph) simula bukas ng hapon, 08 Setyembre 2020,” ayon sa LTFRB.
Bukod dito, ang mga bibiyaheng PUJs ay kinakailangang sumunod sa physical distancing rules, body temperature checking, pagsusuot ng face masks at shields, at iba pang health at safety measures na itinatakda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para sa public transportation.
Sa kasalukuyan, may kabuuang 16,214 jeepneys na ang bumibiyahe sa 178 ruta sa Metro Manila, bukod pa sa 786 modern PUJs na tumatakbo sa 45 ruta.
Comments are closed.