INAASAHANG magpapakalat ng 1,000 police personnel ang Manila Police District (MPD) upang tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga Pinoy na dadagsa sa mga sementeryo sa darating na Undas.
Sinabi ni MPD Director Brig.Gen.Andre Dizon, ito ay upang mapanatili ang seguridad sa sementeryo lalo na sa Manila North Cemetery lalo na ang mga magtutungo sa sementeryo upang bisitahin ang kanilang mahal sa buhay.
Subalit, ayon kay Dizon ay patuloy pa ang kanilang paghahanda at pag-uusap sa mga posibleng mga hakbang o precautionary measures lalo pa’t inaasahang muling dadagsain ng tao ang MNC na itinuturing na pinakamalaking sementeryo sa bansa makaraang ipagbawal sa loob ng dalawang taon ang tradisyonal na Undas dahil sa pandemya dulot ng COVID-19.
Dagdag pa ni Dizon, nakatakda rin itong mag-inspeksyon sa MNC ngunit hindi pa tiyak kung kailan ito isasagawa.
Aniya, pagsapit ng ala-5 ng hapon ay hindi na rin sila magpapapasok ng tao dahil ipagbabawal ang overnight.
Ayon sa pamunuan ng MNC, bubuksan ito sa publiko mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2
Paalala ni MNC Director Roselle Castañeda, dapat bakunado laban sa COVID-19 ang mga papasok habang ipagbabawal din ang mga batang edad 12 pababa na bumisita sa sementeryo.
Ipagbabawal din ang pagpasok ng mga matatalas, alak, armas sa loob ng MNC gayundin ang mga vendor ay ipagbabawal din.
Samantala, papayagan na lamang ang mga libing hanggang Oktubre 28 at magre-resume sa Nobyembre 3.
Ang huling araw naman na ibinigay ng MNC para sa paglilinis ng mga puntod ay sa Oktubre 25. PAUL ROLDAN