SINIRA ng Commission on Elections (Comelec) ang mahigit isang milyong labis at depektibong balota para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na idaraos sa Lunes, Mayo 14.
Ayon kay Comelec Printing Committee Vice Chair Ma. Victoria Lucero, kabuuang 1,056,154 excess, spoiled at defective ballots ang kanilang sinira.
Karamihan sa mga ito ay para sana sa mga botante sa Luzon at Visayas.
Kabilang sa mga sinira ang 511,401 na para sa barangay election at 544,753 naman para sa SK election.
Nabatid na ang mga sobrang SK ballots ay naimprenta noong taong 2016 at 2017 para sa mga botanteng hindi na maaaring makaboto para sa SK polls dahil lumampas na sila sa edad na 30-anyos.
Wala namang balota para sa Mindanao ang naimprenta noong 2017 matapos na masuspinde ang halalan dahil sa ipinairal na Martial Law doon bunsod ng giyera sa Marawi City.
Sinabi ni Lucero na ang bawat balota ay nagkakahalaga ng P3, kasama na rito ang halaga ng papel, tinta, kuryente at paggamit sa mga pasilidad ng National Printing Office (NPO).
Tanging ang Comelec lamang ang may kapangyarihang magsira ng mga balota, ngunit kailangang may pasabi sa citizens’ groups at media, upang maiwasan ang anumang pagdududa rito.
Ang mga sinirang balota ay mananatili naman sa loob ng tanggapan ng Comelec. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.