INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na nakatakdang dumating sa Pilipinas ang aabot sa 1 million bakuna kontra pertussis sa buwan ng Hunyo.
Ito ay matapos na ideklara ng Lungsod ng Quezon , kung saan ay may pinakamataong lugar sa Pilipinas ang outbreak sa sakit na whooping cough o Pertussis.
Ayon kay Health Spokesperson Dr. Eric Tayag, nakapagbigay na ang DOH sa pamahalaang lungsod ng Quezon ng 1,500 doses na maaari ng ibakuna sa mga residente habang inaantay ang karagdagang suplay na darating sa bansa sa Hunyo.
Aniya, ang ibinibigay na pertussis vaccine ay single dose subalit ngayon ay multi-dose na.
Inamin naman ng opisyal na hindi sapat ang 1 million doses na nakatakdang dumating sa bansa dahil kailangan ng bansa ng 1.9 million hanggang 2.1 million doses ng naturang bakuna kada taon para matiyak na lahat ng mga bagong silang na sanggol sa bansa ay makakatanggap ng bakuna.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Tayag na ang ilan sa mga dahilan na nagresulta ng paglobo ng mga kaso ng pertussis sa bansa sa unang kwarter ng taong kasalukuyan ay ang kawalan ng mga bakuna at mababang vaccination rate sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa datos ng DOH, nitong Marso 9 nakapagtala ang Pilipinas ng 167 na kumpirmadong kaso ng pertussis, karamihan sa mga ito ay sa Metro Manila, Calabarzon at Central Visayas.
Sa kasamaang palad nasa 35 na pasyenteng dinapuan ng pertussis ang nasawi.
EVELYN GARCIA