Nakamit ng Ilog Pasig ang prestihiyoso at kauna-unahang 2018 Asia RiverPrize na ipinagkaloob ng International River Foundation (IRF) sa ginanap na 21st International Riversymposium sa Sydney, nito lamang Oktubre 16, 2018.
Sa kompetisyong dinaluhan ng mga ipinadalang delegado ni Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia, inihayag ng mga hurado ang kanilang paghanga sa maladambuhalang suliraning hinarap ng PRRC upang maipanumbalik ang dating kagandahan ng Ilog Pasig.
Dulot nito, inihatag ng IRF ang tagumpay ng 27 kilometrong Ilog Pasig sa isa pang finalist na Yangtze River ng maunlad na bansang China na kinatawan ng Asian Development Bank.
“One of the five critical criteria in the determination of the winner was leadership, which we attribute to the leadership of our beloved President Rodrigo Roa Duterte. It was PRRD’s leadership that united both the public and private sectors into this shared mission of protecting the Pasig River and improving the lives of the communities around it with strong political will,” ani Goitia.
“This global recognition is for President Duterte and every Filipino river warrior. Ito na ‘yung bunga ng ating Puso para sa Ilog Pasig kaya itutuloy-tuloy lang natin ang ating mga programa,” dagdag ni Goitia.
Kinikilala ng IRF ang mga organisasyon na nagsisikap upang mapaunlad ang mga kailugan sa iba’t ibang sulok ng daigdig sa pamamagitan ng epektibong restorasyon ng mga river basin at iba pang programa sa pangangasiwa nito.
“Critical to the success of the story was bringing the community, around 18,000 people, to decent housing and transforming these communities and their lives into environmentally responsible citizens,” naunang sinabi ng IRF bago pa man ipabatid ang nagwagi sa timpalak.
Iginiit pa ng IRF na idineklara ang Ilog Pasig na “biologically dead” noon pang dekada 90 sanhi ng walang tigil na polusyong nagmumula sa lumalaking populasyon at pag-unlad ng mga industriya na nasa tabing ilog.
Gayunman, epektibong naipanumbalik ng PRRC at ng kanilang mga ka-partner ang restorasyon ng ilog kung kaya may mga isda na ngayong nabibingwit dito. Kasama sa mga programa ng PRRC ang dekalidad na mga proyekto, aktibidad at adbokasiya hinggil sa easement recovery, riverbank development, waste and water quality management at public awareness program.
Comments are closed.