DUMATING kahapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang unang batch ng mga Pilipino na pinauwi mula sa Israel sa gitna ng nagpapatuloy na kaguluhan doon.
Ang 17 Pinoy, kabilang ang isang one-month-old baby, ay sinalubong ng mga opisyal mula sa Department of Migrant Workers (DMW), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Health (DOH), at Department of Foreign Affairs (DFA) na nagsaayos ng kanilang biyahe sakay ng Etihad Airlines.
Ayon kay DMW officer-in-charge Undersecretary Hans Leo Cacdac, ang unang batch ay kinabibilangan ng overseas Filipino workers, karamihan ay caregivers, at isang sanggol.
Binigyan sila ng mga ahensiya ng pamahalaan ng kagyat na tulong at iba pang suporta, kabilang ang psycho-social counseling, stress debriefing, medical referral, at temporary accommodation habang naghihintay na maibiyahe sila pauwi sa kani-kanilang probinsya.
Kinumpirma ng mga awtoridad na tatlong Pinoy na ang nasawi sa giyera sa pagitan ng Israel at Hamas.
Ang giyera ay nagresulta na sa pagkamatay ng mahigit 1,400 katao sa Israel at mahigit 3,000 sa Gaza hanggang noong Oktubre 17.