NAGPAHAYAG ng suporta si international pool champion Dennis Orcollo sa gaganaping kauna-unahang Joy Belmonte Inter – Barangay Amateur 10-Ball Open Billiard Tournament sa Quezon City.
Sa kanyang video message sa Facebook nitong nakalipas na Biyernes, nanawagan ang US Open champion at multiple Asian at Southeast Asian Games gold medalists sa lahat ng mga bilyarista sa lungsod na sumali at samantalahin ang pagkakataong ipakita ang kanilang husay bilang cue artist.
Pinapurihan ni Orcollo si Belmonte sa pagtataguyod ng bilyar, partikular sa paghahanda ng susunod na henerasyon.
“Thank you Mayor Joy Belmonte for this tournament which our beloved sport badly needs right now. This inter-barangay tournament in Quezon City is a great start to revive the interest of the Filipinos, especially the youth, in billiard,” pahayag ni Orcollo.
Si Orcollo, na nagbulsa ng gold medal sa 30th Southeast Asian Games, ay nagmula sa Barangay Matandang Balara sa lungsod.
Nagpahayag siya ng pagkadismaya sa umano’y unti-unting pagkamatay ng bilyar sa bansa.
“Billiard is already dying in the Philippines when we used to dominate and set the standards in this sport. We don’t see tournaments anymore, so we can say that it’s fading,” aniya.
Idinagdag pa niya na mahalaga para sa kanilang mga top pool player ng bansa ang torneo bilang paghahanda na rin sa pagkilala sa hanay ng mga panibagong cue artists na uukit ng kasaysayan at mag-uuwi ng karangalan para sa Filipinas.
“Ipagdarasal namin ang tagumpay ng tournament ni Mayor Belmonte,’ dagdag pa niya.
Inaasahan ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP), organizer ng torneo, ang mainit na bakbakan sa pagitan ng mga bagong cue artist mula Pebrero 3 hanggang 9, 2020.
Ayon kay BMPAP president Perry Mariano, inaasahan nila na makadiskubre ng panibagong bilyarista mula sa mga kinatawan ng 142 na barangay sa lungsod na susunod sa yapak nina Orcollo at Efren ‘Bata’ Reyes na malapit na ring magretiro.
Mag-uuwi ng P100,000 cash prize at trophy ang tatanghaling kampeon at tatanggap ng complete set ng billiard table at bola ang kinatawan nitong barangay.
Mag-uuwi naman ng p50,000 cash at trophy ang 2nd placer; p25,000 cash at trophy sa 3rd placer; p25,000 cash sa 4th placer; at consolation prizes sa top 32 na bilyarista.