MAGSISIMULA na sa Sabado hanggang Linggo (Agosto 24-25, 2019) ang kauna-unahang MinDA Fruit Festival sa Baguio City kung saan lahat ng produktong prutas sa Mindanao Region ay matitikman at mabibili sa murang halaga sa nabanggit na lungsod.
Pangungunahan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang first marketing at promotions program ng Mindanao Development Authority (MinDA) kung saan ilalatag ang First MinDA Fruit Festival sa pakikipagtulungan ni dating agriculture chief na ngayon ay MinDA head Emmanuel Piñol.
Bukod sa kilalang prutas na Durian, naipagbibili rin ng mga vendor sa Baguio City ang Longkong Lanzones, Pomelo, Mangosteen at Rambutan sa kahabaan ng Session Road tuwing Linggo dahil sarado ito sa anumang sasakyan.
Sa Facebook page ni Piñol, tinawagan nito si Baguio City Mayor Magalong kaugnay ng nasabing proyekto kaya naman kaagad na sumang-ayon ito.
Ayon pa kay Piñol na dalawang cargo truck na kargado ng durian at pomelo ang umalis sa Mindanao kahapon (Agosto 21) para sa 3 araw na biyahe patungo sa Baguio City habang ang mga prutas na perishable tulad ng lanzones, rambutan at mangosteen ay dadalhin sa Maynila mula sa Davao City o kaya sa General Santos City sa Biyernes.
Hinimok din ni Piñol ang mga local fruit vendor na ibenta sa murang halaga ang mga prutas para maging bahagi ng partnership sa pagitan ng Mindanao fruit farmers at consumers sa Northern Luzon.
Sa kasalukuyan ay fruiting season sa Mindanao kaya sinamantala ang marketing promotions sa mga produkto mula sa Southern Philippines kung saan bumagsak ang presyo nito sa 50% simula noong Hulyo 2019. MHAR BASCO