Mga laro ngayon:
AUF Gym
4 p.m. – Blackwater vs NLEX
6:45 p.m- Alaska vs Magnolia
KINOLEKTA ng Rain or Shine ang ikalawang sunod na panalo makaraang pataubin ang Terrafirma, 91-82, sa PBA Philippine Cup kagabi sa Angeles University Foundation gym sa Pampanga.
Hindi naging madali ang panalo ng Elasto Painters at kinailangang gamitin ang kanilang buong puwersa sa last quarter upang umangat sa 2-0 sa standings matapos na talunin sa unang laro ang defending champion San Miguel Beer.
Sa panalo ay sinementuhan ng tropa ni coach Caloy Garcia ang kanilang dominasyon sa Terrafirma na tinalo nila sa Commissioner’s Cup at Governors’ Cup upang patatagin ang kanilang title campaign.
Lumamang ang Terrafirma sa 52-50 at 55-51 matapos maghabol sa 26-39.
Hindi nasiraan ng loob ang Elasto Painters at rumesbak at lumamang ng 16 points, 82-66, sa five straight points ni NCAA standout Rey Nambatac sa kalagitnaan ng last quarter.
Hindi na binitiwan ng RoS ang trangko at nakipagpalitan ng tira sa Terrafirma hanggang sa matapos ang laro at ipalasap sa mga bataan ni coach Johnedel Cardel ang ikalawang sunod na kabiguan.
Si ace gunner at top rookie CJ Perez ang nagdala sa opensiba ng Terrafirma subalit ang kanyang kabayanihan ay hindi sapat para maisalba ang kanyang koponan.
“They showed their true character. Hopefully, they sustain it as the tournament progresses,” sabi ni coach Garcia na hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng korona ang Rain or Shine.
Nanguna si Nambatac para sa Elasto Painters na may 19 points, at nagdagdag si Javee Mocon ng 14 points at 10 rebounds.
Gumawa si Beau Belga ng 14 points at kumalawit ng 8 rebounds, habang kumamada si Gabe Norwood ng 14 points at 3 blocks.
Nagbuhos si Perez ng 26 points, 10 rebounds, 6 assists, 5 steals at 2 blocks para sa Dyip. CLYDE MARIANO
Iskor:
Rain or Shine (91) – Nambatac19, Norwood 14, Mocon 14, Belga 14,Onwubere 8, Rosales 6, Yap 4, Torres 4, Wong 3, Ponferada 3, Borboran 2, Rivero 0, Tolentino 0, Doliguez 0, Arana 0.
Terrafirma (82) – Perez 26, Tiongson 15, Khobuntin 12, Adams 10, Cahilig 7, Ramos 6, Camson 5, Celda 1, Calvo 0, McCarthy 0, Faundo 0, Gabayni 0, Agovida 0, Batiller 0, Balagasay 0.
QS: 19-16, 44-34, 66-58, 91-82.
Comments are closed.