Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
7 p.m. – San Miguel vs Talk ‘N Text
Game 2, Texters abante sa 1-0
SISIKAPIN ng title-hungry Talk ‘N Text na makaulit sa San Miguel Beer at lumapit ng dalawang hakbang sa pagkopo ng korona sa Game 2 ng best-of-7 PBA Commissioner’s Cup finals ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Nakatakda ang sagupaan sa alas-7 ng gabi kung saan determinado ang Tropang Texters na kunin ang 2-0 kalamangan at ilagay ang tropa ni coach Leo Austria sa maselang kalagayan. Subalit tiyak na babawi ang Beermen upang maitabla ang serye sa 1-1.
Para kay import Terrence Jones ay depensa ang naging susi sa kanilang panalo sa Game 1.
“The only way to win is to have rock solid defense complemented with swirling offense like we did in Game 1. We got the momentum and we will exploit it to the hilt,” sabi ng NBA veteran.
Sa pangunguna ni Jones ay minsan lang natalo ang TNT sa elimination sa NorthPort, 86-110.
Humataw si Jones ng double-double 41 points at 12 rebounds laban sa 33 points ni Chris McCullough sa series opener.
Kailangang gumawa si Austria ng paraan para makuha ang Game 2 at itabla ang serye.
“We will go out for a win. We cannot afford to lose anew. I reminded my players to utilize their basketball knowhow to even the series,” ani Austria.
Makakatuwang ni Jones para sa TNT sina Jayson Castro, Roger Pogoy, Troy Rosario, Don Trollano, Ryan Reyes, Anthony Semerad at dating SMB point guard Brian Heruela kontra kina Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Chris Ross, Arwind Santos, Von Pessumal, Kelly Nabong at dating TNT Terrence Romeo. CLYDE MARIANO
Comments are closed.